Gatchalian pinuri ang desisyon ng ERC laban sa Meralco

LUNGSOD CALOOCAN, Agosto  29 (PIA) -- Pinuri ni Senator Win Gatchalian ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa agrang desisyon nito na pagmultahin ang Meralco dahil sa umano'y hindi pagsunod sa direktiba nito at sa naranasang "bill shock" ng mga konsyumer nito noong panahon ng enhanced community quarantine (ECQ).

“Naging maagap ang ERC sa pagtugon sa mga hinaing ng ating mga kababayan at hindi nila tayo binigo sa pagtupad sa kanilang tungkulin. Ang mga ganitong agarang aksyon ang kailangan upang maibalik ang kumpiyansa at tiwala ng tao sa ating gobyerno,” papuri ni Gatchalian sa PIA-NCR.

Nakikiisa ang senador sa milyung-milyong konsyumer ng Meralco na labis na naapektuhan ng bill shock nuong panahon ng ECQ. Siya rin aniya ay na-bill shock.

Kaugnay nito, binalaan din niya ang ibang distribution utilities (DUs) sa bansa na maaaring sapitin din ang nangyari sa power utility.

Ayon kay Gatchalian, lumalabas na halos P300-milyon ang multa ng Meralco. Bukod sa P19-milyon aniya, bibigyan din ng diskwento ang mga tinatawag na "lifeline consumers" na ang kunsumo ay hindi lalagpas sa 100 kWh sa loob ng isang buwan. Ang diskwento ay aabot sa P 275-milyon. 

“Magsilbing babala sana ito sa Meralco at sa iba pang distribution utilities sa bansa na sumusuway sa ipinag-uutos ng power regulator,” ang mariing sinabi ng senador.

Sa isang pormal na kautusan, pinagbabayad ng ERC ang Meralco ng P19-milyon dahil sa paglabag nito sa ilang direktiba. Una, hindi raw nilinaw ng Meralco na “estimated” ang billing mula Marso hanggang Mayo. Pangalawa, hindi daw ipinagbigay alam ng Meralco sa electricity bill ng Mayo na pwedeng bayaran ng installment sa loob ng apat na buwan ang kuryenteng nagamit nuong kasagsagan ng enhanced community quarantine (ECQ).

“Ang mga panggigipit at pananamantala sa panahon ng krisis at pandemya ay nararapat lamang na patawan ng karampatang kaparusahan. Maliit na halaga, kung tutuusin, ang multang ipinataw sa Meralco kumpara sa idinulot na kalituhan at pasaning bayarin lalo na doon sa sapat lamang ang kita araw-araw. Ang mga hindi katanggap-tanggap na mga gawain na labag sa interes ng nakararami ay hindi dapat pinapalampas ng walang kaukulang kaparusahan,” dagdag pa niya.

Sa ilang mga pagdinig ng Senate Energy Committee na pinamumunuan ni Gatchalian, matatandaang isinulong ng senador noon na hingan ng paliwanag ang Meralco kasunod ng sinasabi nilang ‘underestimation’ at ‘overestimation’ sa electricity bill na nagdulot ng kalituhan sa mga konsyumer. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments