UNISAN, Quezon, Agosto 10 (PIA)- Pinangunahan ni Quezon Governor Danilo Suarez ang pamamahagi ng mga laptop sa 40 DepEd district supervisors mula sa una, ikalawa at ika-apat na distrito ng lalawigan ng Quezon sa programang idinaos sa bayang ito kamakailan.
Sinabi ni Gov. Suarez na malaki ang maitutulong ng mga laptop na ipinamahagi upang maging madali, mabilis at epektibo ang pagtuturo ng mga guro sa kanilang mga estudyante sa nalalapit na pasukan sa mga paaralan.
Ayon naman kay 2nd District Rep. David Suarez, bagama't nalalapit na ang pasukan, siya ay sumusuporta sa mga isasagawang programa ngayon para mas mapalawig ang 'online teaching' sa pamamagitan ng pagsasaayos ng ilang mga ipinagkaloob na computer sets sa ilang mga eskwelahan na mapaayos para gawing learning hub.
Inihayag naman ni Senior Board Member Jet Suarez ang kanyang panawagan sa mga parents and teachers association na nasa mga lugar na hindi abot ng tamang signal na makipagtulungan sa mga paaralan upang maihatid sa bawa't tahanan ang angkop na teaching materials na kailangan ng mga mag-aaral.
Ayon sa DepEd, ang mga lugar na may internet connection ay online teaching ang gagamiting habang ang mga lugar na walang internet connection ay modular mode of teaching naman ang gagawin.
Maliban sa pagkakaloob ng mga laptop, patuloy din ang iba't-ibang programa ng pamahalaang panlalawigan na tutugon sa pagpapayabong sa iba't ibang industriya sa lalawigan upang maipagkaloob ang naaangkop na hanapbuhay para sa mga Quezonian. (Ruel Orinday-PIA Quezon/ may ulat mula sa Quezon PIO)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments