2 lider ng NPA, 2 pang miyembro  sumuko sa San Mariano, Isabela

(Source: 95th Infantry Salaknib Battalion)

SAN MARIANO, Isabela, Agosto 10 (PIA) - - Sumuko kamakailan ang dalawang katutubong lider ng New People's Army (NPA) at dalawa pang iba sa mga kasundaluhan at kapulisan ng San Mariano, Isabela.

Ayon kay LtCol Gladiuz Calilan, Commanding Officer ng 95th Infantry Battalion, ang mga sumuko ay sina alyas "BUNSO" na dating Platon Kumander ng RSDG/KLG-QNV, KR-CV kasama ang asawa nitong si alyas "JOAN" na isa ring dating Medical Officer ng kanilang grupo.

Kasama rin sa mga nagbalik-loob ay sina alyas "BOMBO" na dating Bise Kumander ng isang Platon ng RSDG/KLG-QNV, KR-CV at alyas "ROMEL" na dating Team Lider din ng nasabing grupo.

Ani LtCol Calilan, itinuro ng apat sa mga awtoridad ang isang imbakan ng bomba na pagmamay-ari ng mga NPA sa bulubunduking bahagi ng Sierra Madre.

Sina alyas BOMBO at alyas BUNSO, pawang mga katutubo, ay mahigit isang dekada nang kasapi sa grupo ng NPA hanggang sila ay namulat sa mga kasinungalingan sinasabi sa kanila ng mga Kadre ng NPA.

Napagtanto umano ng apat na sumuko na ang mga katutubo ang ginagamit ng mga Kadre para maisulong ang pansariling interes ng nasabing grupo at hindi interes ng mga katutubo.

Sinabi ng apat na kaya sila nagbalik-loob sa gobyerno ay para magbagong buhay at para matulungan ang kapwa nila katutubo na makawala sa pang-aabuso ng mga NPA.

Ayon kay LtCol Calilan, ang pagsuko ng apat ay malaking kawalan sa mga natitirang NPA sa lalawigan ng Isabela dahil sila ang ginagamit ng mga NPA na panghikayat sa kapwa nila katutubo at pang taktikal na opensiba.

Nanawagan din si LtCol Calilan na magbalik-loob na ang mga naiiwan pa sa grupo ng NPA upang makatanggap ng benepisyo galing sa Enhanced - Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP ng gobyerno at para mabigyan ng maayos na pamumuhay ang kanilang pamilya. (ALM/PIA-2/95th Infantry Salaknib Battalion)

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments