LUNGSOD CALOOCAN, Agosto 9 (PIA) -- Bibigyang-prayoridad ng Pamahalaang Lungsod ng Makati ang mga public utility vehicle (PUV) drivers ng jeepney, tricycle, at pedicab, at mga market vendors sa isasagawang Pooled RT-PCR Testing for COVID-19 sa lungsod, na kauna-unahang pamahalaang lokal sa bansa na gagamit ng naturang paraan ng pagsusuri simula sa August 15.
Ayon kay Mayor Abby Binay, aabot sa 10,000 indibidwal ang inisyal na target para sa pooled testing, at karamihan dito ay PUV drivers at market vendors dahil kabilang sila sa pinaka-exposed sa virus.
Kalaunan ay isasagawa din ito para sa iba pang mga sektor, aniya.
Lumagda ang alkalde nitong Miyerkules sa isang memorandum of agreement kasama ang Philippine Children’s Medical Center (PCMC), Philippine Center for Entrepreneurship, at BDO Foundation, para sa pormal na pagpapatupad ng Pooled RT-PCR Testing, na binuo sa ilalim ng Project ARK.
Sa ilalim ng kasunduan, maghahati ang Makati at BDOF sa Php5-milyong gastusin para sa naturang proyekto. Ang PCMC naman ang magbibigay ng orientation at training sa health team ng Makati pati na iba pang partners, at siya ring magsasagawa ng actual testing at mag-iinterpret sa test results.
Gamit ang pooled testing method, sabay-sabay na susuriin ang swab samples mula sa iba’t ibang indibidwal na bubuo sa isang pool o batch. Kapag positive ang resulta, lahat ng mga kasama sa batch ay isa-isang isa-swab test at susuriin nang magkakahiwalay ang mga sample. Kapag negative naman ang resulta, hindi na kailangang itest pa ang lahat ng kasama sa grupo.
Ayon kay Mayor Abby, inaasahang malaki ang maitutulong ng mga resultang makukuha mula sa pool testing sa Makati pagkatapos ng isang buwan, lalo na sa pagpapahusay ng mass testing protocols upang maging mas epektibo ang pamamahala sa COVID-19 cases sa buong bansa.
Aniya, nakahanda ang Makati na ibahagi ang mga resulta ng isasagawang pilot testing ng pooled testing sa mga iba pang lokal na pamahalaan upang matulungan silang paghusayin ang sariling COVID-19 protocols.
Batay sa kasunduan, pipili ang lungsod ng Makati ng mga grupo ng mamamayan o komunidad para masuri gamit ang pooled testing. Bibigyan ng training ang Makati health personnel para sa tamang paraan ng swabbing at pooling. Gagamitin naman ng lungsod ang mga resultang makukuha upang mapabuti ang sariling health policies at programs tungo sa mas mahusay na pagtugon sa COVID-19.
Kabilang sa mga bentahe ng pool testing para sa mga LGU pati na ng mga negosyo ang mas matipid na paggamit ng test kits, pagbawas sa workload ng testing laboratory staff, mas madaling pag-identify at pag-isolate sa malalaking grupo ng negative cases, at mas maayos at malinaw na direksyon sa mga LGU at mga negosyo sa pagpapasiya ng mga polisiya at hakbangin nito.
Ang Makati ay isa sa mga unang LGU sa Metro Manila na nagsagawa ng mass testing, gamit lamang ang RT-PCR test na siyang itinuturing ng health experts bilang “gold standard” ng COVID testing. Unang sinuri ng MHD ang front liners, mga kawani ng City Hall, at ang hanay ng kapulisan noong April 22, 2020. Nitong July 14, umabot na sa mahigit 10,000 indibidwal ang nasuri, at nakatulong ito sa pagpigil sa mabilis na pagkalat ng virus. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments