LUNGSOD PASIG, Agosto 30 (PIA) -- Pasado na ang face shield ordinance sa lungsod na nagpapataw nang hanggang P5,000 na multa sa mga lalabag dito.
Ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto, naipasa na ng Sangguniang Panlungsod ng Pasig ang Ordinance No. 38, Series of 2020 o “An Ordinance Requiring all Residents of the City of Pasig to Wear Proper Face Shields in all Enclosed Public Places, Places of Work, Commercial Areas, and in Public Transportation, Providing Penalties and Violation Thereof and for Other Purposes.”
Batay sa naturang ordinansa, kailangan na ang pagsusuot ng face shield sa lahat ng enclosed public places, mga lugar ng trabaho o komersyo, at pampublikong transportasyon. Kailangang nakasuot ng face mask at face shield sa mga nabanggit na lugar sa lahat ng pagkakataon bilang karagdagang protkesyon laban sa COVID-19. Ang paglabag sa ordinansa ay may karampatang multa na P500 - P5,000 bukod pa sa community service.
Layon ng naturang kautusan na gawing mandatory ang pagsusuot ng face shield bukod sa face mask upang maging mas mabisa ang proteksyon laban sa pagkahawa sa COVID-19.
Samantala, paalala rin ng pamahalaang lungsod na panatilihing malinis ang face shield bago at matapos itong isuot.
Hawakan lamang ang strap ng face shield sa tuwing ito’y susuotin o tatanggalin. Siguraduhin na natatakpan nang maayos ang harap at magkabilang parte ng mukha at itago ang face shield sa malinis na lugar.
Bukod pa rito, hinihikayat pa rin ng mga otoridad ang pagsunod sa proper physical distancing at tamang paghuhugas ng kamay bilang karagdagang proteksyon. (PIA-NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments