Pasig LGU, naglagay ng libreng internet sa centers

Mula sa Mayor Vico Sotto Facebook Page

LUNGSOD PASIG, Agosto 22 (PIA) -- Pinangunahan ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig, sa pakikipagtulungan ng FinAsia Land Development and Construction Corp., ang paglalagay ng mga internet connection sa mga centers ng lungsod para sa pag-aaral ngayong 'new normal.'

Sa kanyang official Facebook page, sinabi ni Pasig City Mayor Vico Sotto na ang paglalagay ng internet connection sa mga centers sa tulong ng FinAsia ay upang magamit ng mga mag-aaral at mga guro para sa distance learning modules ng Department of Education (DepEd).

Sa distance learning modules ng DepEd, ‘di kailangan ng mag-aaral ng internet connection sa bahay. Pero kailangan pa rin ng centers kung saan maaaring mag-download ang mga magulang kung walang access sa bahay," ani Mayor Vico.

"Magagamit din ng mga guro ang high-speed internet para i-upload ang mga modules,” dagdag nito.

Sinabi rin ni Mayor Sotto na ang pagbisita sa mga centers ay nakatakda kada dalawang linggo upang hindi magsabay-sabay ang mga magulang at guro.

Wag mag-alala, kada 2 weeks lang at naka schedule para di sabay-sabay.”

Samantala, ibinalita rin ni Sotto na para sa mga learning devices gaya ng tablets na gagamitin ng mga mag-aaral ay nasa post qualification stage na ng bidding process.

Para sa learning devices (mostly tablets), nasa post qualification stage na ng bidding," aniya.

Idinagdag din ng alkalde na lahat ng naka-enroll na mag-aaral ay bibigyan.

Hindi po kailangan mag sign up basta naka enroll bibigyan ang bawat estudyante. Mauuna yung sa Pamantasan ng Lungsod ng Pasig students.”

Magugunitang nitong Marso nakatanggap ng 10 desktop computer ang mga estudyante ng limang public elementary school sa Pasig bilang regalo ng FinAsia at Rappo Technology Corp., sa pakikipagtulungan ng PLDT.

Ang mga paaralan ay ang Pasig Elementary School, Palatiw Elementary School, Pineda Elementary School, Pineda Elementary School, Caniogan Elementary School at San Miguel Elementary School na nabigyan din ng libreng fiber optic internet connection sa loob ng dalawang taon mula sa FinAsia.

Ang naturang  programa ay tinawag na “Internet sa Eskwelahan Para sa Mabilis na Kaalaman,” at may layon na iiwas ang mga mag-aaral na magtungo sa mga internet shop upang magsagawa ng kanilang online research. (PIA-NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments