Tagalog News: 24 na MSMEs, tumanggap ng tulong mula DTI

Ang DTI ay nagbigay ng tulong kamakailan sa 24 na MSMEs ng Solano, Nueva Vizcaya. Ito ay hatid ng Livelihood Seeding Program - Negosyo Serbisyo sa Barangay (LSP-NSB) program para sa mga MSMEs na apektado ng COVID-19 pandemic.# Litrato mula sa post ni Mayor Dacayo

SOLANO, Nueva Vizcaya, August 5 (PIA) - Tumanggap ng tulong mula sa Department of Trade and Industry (DTI) kamakailan ang 24 na Micro Small Medium Enterprises (MSME) operators sa bayang ito upang muling ibangon ang kanilang negosyong pinadapa ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Mayor Eufemia Dacayo, natutuwa ang mga beneficiary sa pagtanggap ng kanilang tulong mula sa DTI dahil hudyat ito ng kanilang pag-ahon mula sa pagkalugmok sa negosyo dahil sa pandemya.

 "Malaking tulong ito para sa ating mga MSME na apektado ng pandemya. Umaasa po kami na mabibigyan din ang ibang mga MSME sa bayan upang muli silang babangon sa pagnenegosyo," pahayag ni Dacayo.

Ang mga 24 na MSMEs sa bayan ay nabigyan ng tulong mula sa Livelihood Seeding Program-Negosyo Serbisyo sa Barangay (LSP-NSB) ng DTI.

Ang mga MSME ay mula sa barangay Aggub, Wacal, at Bagahabag ng Solano.

Ayon pa kay Dacayo, handa ring tumulong ang lokal na pamahalaan para sa mga nawalan ng negosyo na MSMEs sa pakikipagtulungan nito sa DTI.

Dagdag ni Dacayo na ang mga MSME ay mahalaga sa pag-angat ng pang-ekonomiyang estado ng Solano dahil sila ang nasa mga barangay na palagiang tinatangkilik ng mga mamamayan. (MDCT/BME/PIA -2NVizcaya)

 

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments