Tagalog News: 63 anyos na LSI, naitalang bagong kaso ng COVID-19 sa Santa Cruz

Naitala ang ikalawang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bayan ng Santa Cruz at ika-13 naman sa buong Marinduque. (Larawan mula sa Santa Cruz Municipal Health Office)

SANTA CRUZ, Marinduque, Agosto 31 (PIA) -- Isang lolo na 63 anyos, locally stranded individual (LSI) ang naitalang panibagong kaso ng coronavirus disease 2019 sa bayan ng Santa Cruz.

Ayon sa Provincial Health Office, ang pasyente ay nagmula sa Bacoor, Cavite. Ito ay dumating sa Marinduque noong Agosto 20 lulan ng barkong Starhorse IX na umalis sa Talao-Talao Port, Lucena City bandang 9:00 ng umaga.

Agosto 24 nang sumailalim ang pasyente sa swab test at noong Agosto 29 ay natanggap ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit ang resulta ng reverse transcription polymerase chain reaction o RT-PCR test ng pasyente.

Sa kasalukuyan ay may ubo at nakatakdang dalhin sa Marinduque Provincial Hospital ang pasyente.

Samantala, nakapagsagawa na ng contact tracing ang Santa Cruz Municipal Health Office para sa mga indibidwal na nakasalamuha ng pasyente at inabisuhan ang mga ito na agad na mag-quarantine upang masiguradong ligtas sa pagkalat ng sakit. (RAMJR/PIA-MIMAROPA)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments