Tagalog News: Programa ng gobyerno,  inihatid sa mga katutubo ng Monteclaro

Sinabi naman ni Lt.Col Alexander Arbolado, Battalion Commander ng 4th IB, 2ID, na maituturing na makasaysayan ang pagbisitang ito sa napakalayong barangay, partikular sa mga sityo ng Mantay, Sangay, Masay, Taganop at Ilya 1. (VND/Occ MIn)

SAN JOSE, Occidental Mindoro, Agosto 31 (PIA)-- Inihatid ng Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (PTF-ELCAC) ang ilang programa ng pamahalaan, at natugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga pamayanang katutubo ng Brgy. Monteclaro, sa bayang ito kamakailan.

Ayon kay Voltaire Valdez, PTF-ELCAC focal person, sa isinagawa nilang Serbisyo Caravan sa lugar, nabigyang-katuparan ang matagal nang hiling ng mga katutubo kabilang ang pagsasaayos ng water system at pagpapatayo ng Bahay Pulungan. Paliwanag nito, kapwa mahalaga ang dalawang nabanggit na proyekto dahil batay na rin sa mga naunang pulong ng PTF-ELCAC, dapat malinis at ligtas ang tubig-inumin ng mga katutubo upang hindi pagmulan ng sakit lalo na sa mga bata.

“Ang Bahay Pulungan naman ay kalimitang pinagdadausan ng mga pulong ng mga lider ng pamayanan at nagsisilbi ring tuluyan ng mga bisita o kaya ay pamilya ng mga katutubong nawalan ng tirahan dahil sa kalamidad,” ani Valdez.   

Sinabi naman ni Lt.Col Alexander Arbolado, Battalion Commander ng 4th IB, 2ID, na maituturing na makasaysayan ang pagbisitang ito sa napakalayong barangay, partikular sa mga sityo ng Mantay, Sangay, Masay, Taganop at Ilya 1.

Aniya, sa panahon ng kanyang panunungkulan bilang pinuno ng 4th IB, ngayon lamang may bumisitang opisyal ng pamahalaan sa nabanggit na pamayanan. “Dati ang ating mga sundalo lamang ang nakakarating sa kanila, pero ngayon, mismong si Gob Ed (Governor Eduardo Gadiano) ang dinala natin upang makasama ng ating mga katutubo,” pahayag ng opisyal.    

Ang pagtungo ng PTF-ELCAC sa mga sityong nabanggit ay tugon sa Executive Order No. 70 ng Pangulong Rodrigo Duterte, na may layong wakasan ang insurhensya sa bansa sa pamamagitan ng whole-of-nation approach. Dagdag pa ni Arbolado, pagtupad din ito sa direktiba ni Maj. Gen. Antonio Parlade Jr, Chief Southern Luzon Command (Solcom).

“Ang nais ni General Parlade ay magkaroon ng direktang ugnayan ang pamahalaang lokal sa mga komunidad sa malalayong lugar lalo na ang pamayanan ng mga katutubo,” saad pa ng opisyal. Sa ganito aniyang paraan ay maidudulog ng mga pamayanan ang kanilang mga pangangailangan at maipapakita naman ng pamahalaan ang  kahandaang tugunan ang mga ito. 

Ilan pa sa mga ibinigay na serbisyo ay ang medical/dental mission na pinangunahan ng Department of Health (DOH) at Munipal Health Office (MHO), pagrehistro sa mga katutubo ng local civil registrar at Philhealth,  pagsasanay sa basic at organic farming ng Department of Agriculture at Provincial Agriculturist Office at namahagi ng relief goods ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO). “Nagbigay din si Gob Ed ng  solar lights at solar powered transistor radio na talagang ikinatuwa ng ating mga kapatid na katutubo,” saad pa ni Arbolado. 

Sa napasimulang mga proyekto ng PTF-ELCAC  sa nabanggit na barangay, umaasa ang Commander ng 4th IB na magsisilbi itong daan upang maging conflict-resilient ang pamayanan ng mga katutubo.

“Ito ang nakikita kong dapat makamit nila, ang makapamuhay ng malaya sa anumang impluwensiya ng mga Communist Terrorist Group (CTG),” ayon pa kay Arbolado. Paliwanag ng opisyal, sa kabila ng mga programa ng pamahalaan, hindi pa ganap na makapamuhay ng malaya at maunlad ang mga katutubo, dahil ang iba sa kanila taglay pa rin ang stigma  na dulot ng pananakot ng mga CTG.  Subalit, binigyang diin ni Arbolado, na naniniwala siyang malapit nang makamit ng ng pamahalaan ang lubos na tagumpay sa laban nito para sa tunay at pang-matagalang kapayapaan.  (VND/PIA MIMAROPA)

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments