Tagalog News: Barangay Monitoring Team, binuo para sa impmentasyon ng COVID-19 health protocols

LUNGSOD NG BATANGAS, Agosto 28 (PIA) --Binuo ng pamahalaang lungsod ng Batangas ang Barangay Monitoring Team upang mas mapalakas at mapaigting ang pagpapatupad ng alintuntunin kaugnay ng COVID-19 health protocols.
 
Kaugnay nito, nagkaroon ng tatlong araw na “by cluster” orientation meeting ang lahat ng barangay disaster officer mula Agosto 18 hanggang 20 sa Batangas City Convention Center na pinangasiwaan ng Eto Batangueno Disiplinado Monitoring Team (EBDMT).
 
Ayon kay Mayor Beverley Rose Dimacuha, ito ang nakitang solusyon upang masiguro ang pagtalima ng mga residente sa lahat ng ordinansa at alituntunin ng lungsod na may kaugnayan sa COVID19 health protocols.
 
Ang naturang BMT ay binubuo ng punong barangay bilang chairperson, isang kagawad bilang co-chairperson at barangay disaster officer na magsisilbing lider ng operation kasama ang KALIPI president at pinuno ng tanod.
 
Tinalakay sa pagpupulong ang pangunahing tungkulin ng mga miyembro ng BMT kabilang ang pagsita sa mga residenteng lumalabag sa community quarantine guidelines, pangunahing ordinansa ng pamahalaang lungsod at executive orders tulad ng hindi pagsusuot ng face mask tuwing lumalabas ng bahay, nagsasagawa ng maramihang pagtitipon, walang physical distancing, nag-iinuman sa pampublikong lugar o labas ng bahay, lumalabag sa curfew at iba pang ipinatutupad upang maiwasan ang pagkalat ng virus.
 
 Ang sino mang lalabag ay irereport ng BMT sa Sangguniang Barangay at sa EBDMT at isusumite ang pangalan ng lumabag para sa kaukulang multa at parusa. Ang hindi kaagad masaway ay maaaring isumbong sa pamamagitan ng hotlines na 723-2344 o 09778103021 o sa FB page na Palakat Batangas City para sa kaukulang aksyon ng konsernadong ahensya.
 
Hinihikayat din na magkaroon ng ebidensya tulad ng larawan ngunit ipinagbabawal ito na i-post sa social media alinsunod sa probisyon ng Data Privacy Law. (BHABY P. DE CASTRO-PIA BATANGAS with report from PIO Batangas City)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments