Tagalog News: Batangas City, pinarangalan sa 29th anniversary ng BJMP CALABARZON

LUNGSOD NG BATANGAS, Set 1 (PIA) --Ginawaran ng 'Special Award for Local Government' ang pamahalaang lungsod ng Batangas sa isinagawang virtual celebration ng ika-29 na taong anibersaryo ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Calabarzon na ginanap sa National Head Quarters Conference Hall noong ika-27 ng Agosto, 2020.
 
Ito ay bilang pagkilala sa lahat ng suportang ipinagkaloob ng pamahalaang lungsod sa pangangalaga sa kapakanan ng mga persons deprived of liberty (PDL) sa Batangas City Jail.
 
May tema ang pagdiriwang na “Mahusay na Pamamahala ng Piitan, Matatag na Kabalikat sa Pampublikong Kaligtasan.”

Kabilang sa mga programang ipinatutupad ng pamahalaang lungsod ang paglalaan ng P5.6M halaga ng taunang budget para sa operasyon ng BJMP. Kabilang sa pondo ang rice at goods subsidy, office supplies, paglalaan ng gasoline sa service vehicles, personnel allowance at logistic support para sa mga utility bills tulad ng ilaw at tubig.
 
Ang pasilidad ng BJMP sa lungsod ay nananatiling Covid-free simula ng ipinatupad ang community quarantine.
 
Kaugnay nito, nagpaabot ng pagbati at pasasalamat si Mayor Beverley Rose Dimacuha sa pamamagitan ng isang video message. (BHABY P. DE CASTRO-PIA Batangas with report from PIO Batangas City)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments