Tagalog News: Lalawigan ng Rizal naglabas ng guidelines para sa MECQ

LUNGSOD NG ANTIPOLO, Rizal, Agosto 4 (PIA)-- Inilatag ng Pamahalaang Panglalawigan ng Rizal ang mga panuntunin nito para sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) mula Agosto 4 hanggang 18 matapos ipatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Paalala ng Pamahalaang Panlalawigan sa kanilang opisyal na Facebook Page na patuloy pa rin ang mahigpit na pagpapatupad ng minimum health standards tulad ng pagsuot ng face mask, physical o social distancing, disinfection at iba pa.

Suspendido naman muli ang mga pampublikong transportasyon maliban sa mga tricycles depende sa mga scheme at mga regulasyon ng mga lokal na pamahalaan upang pahintulutan ang mga ito.

Bukod sa 24-hour curfew sa edad 20 pababa at mga edad 60 pataas at iba pang vulnerable groups, mayroon muling curfew mula 5AM hanggang 8PM para sa mga otorisadong lumabas.

Ipinagbabawal na ang mga mass gatherings na hihigit pa sa pagtitipon ng 5 katao at and face-to-face classes o in-person classes sa mga mag-aaral.

Limitado ang mga mall operations sa mga essential goods and services at ipinagbabawal ang leisure sa ilalim ng MECQ. Limitado rin sa mga essential at priority public and private construction projects ang mga nagpapagawa.

Pinapayagan naman mag-operate ang mga industriyang classified ng DTI sa category I, II at III maliban sa barber shops, salons, tourist destinations, entertainment, kid amusement, libraries, museums, cultural centers, gyms, studios, sports facilities at personal care services.

Pinapayuhan naman ng Pamahalaang Panlalawigan na makipag-ugnayan ang mga lokal sa kani-kanilang mga LGU upang malaman ang mga karampatang mga patakaran sa kanilang lugar na nasasakupan.

Bukod rito ay ipinauubaya ng IATF ang paggamit ng Quarantine Passes at Barangay Coding sa mga lokal na pamahalaan.

Pansamantala namang ipapasara muna sa loob ng isang linggo ang Rizal Provincial Capitol Building mula Agosto 3  upang magbigay-daan sa disinfection at sanitation activities.

Ayon sa isa pang anunsyo sa official Facebook page, ito ay isasagawa matapos magpositibo ang 16 na empleyado ng Pamahalaang Panlalawigan matapos ang isinagawang COVID-19 Testing.

Patuloy naman ang contact tracing at isolation sa mga na-expose sa mga ito upang maiwasan ang pagkalat ng virus at masiguro ang kaligtasan ng mga Rizalenyo.

Magkakaroon naman ng skeleton workforce ang lahat ng tanggapan ng kapitolyo sa Ynares Center para makapagbigay pa rin tuloy-tuloy na serbisyo-publiko. (PIA-Rizal, may ulat mula sa Lalawigan ng Rizal Official Facebook Page)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments