PIKIT, Lalawigan ng Cotabato, Agosto 8 (PIA)--- Abot sa higit 1,000 mga manggagawa ng barangay dito sa bayan ang binigyang-pugay kamakalawa ng pamahalaang panlalawigan.
Sa kanyang pagbisita sa bayan, nagpaabot ng kanyang pasasalamat si Governor Nancy Catamco sa mga miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs), mga barangay nutrition scholar (BNS), at mga barangay health worker (BHW) sa kanilang boluntaryong pagseserbisyo sa mamamayan. Ani Catamco, mahalaga ang ginagampanang papel ng mga manggagawa lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Dagdag pa dito, ipinagkaloob ng gobernadora ang konting ayuda sa abot sa 236 na BHWs, 45 BNSs, at 873 miyembro ng BPATs. Bawat BHW at BNS ay nakatanggap ng tig P4,200 na tulong pinansyal katumbas ng anim na buwang honorarium samantalang tig-P1,000 naman ang natanggap ng mga miyembro ng BPATs.
Dagdag pa dito, inihayag ni Catamco na magbibigay ang pamahalaang panlalawigan ng insentibo sa mga manggagawa ng barangay na nakapaglingkod na ng mahigit 20 taon. Ito ay bilang pagkilala sa dedikasyon at pagseserbisyo ng mga tinawag niyang ‘makabagong bayani’.
Samantala, nagpasalamat naman si Vice-mayor Muhyryn Sultan-Casi sa tulong na ipinagkaloob ng pamahalaang panlalawigan sa mga manggagawa ng barangay na bolutaryong naglilingkod sa kanilang mga komunidad. (With reports from Provincial Government of Cotabato)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments