LUNGSOD NG OLONGAPO, Agosto 22 (PIA) -- Nasa 45,903 na ang bilang ng mga enrollees sa lungsod ng Olongapo para sa School Year 2020-2021.
Ayon kay Olongapo City Schools Division Superintendent Leilani Cunanan, 4.85 porsyento na lamang ang kanilang hinihintay para maabot ang 47,393 na bilang ng mga enrollees noong nakaraang taon.
Gagamit ng iba’t-ibang modalidad ang mga mag-aaral tulad ng modular, online, TV-based, radio-based at blended remote learning.
Sa kanilang pinakahuling survey, may 35,000 na estudyante ang pumili sa modular learning habang 9,000 lamang ang pumili sa online learning bunsod ng kawalan ng internet connectivity at problema sa kuryente sa ibang lugar.
Dahil karamihan ng mga mag-aaral ay gagamit ng modules, inilahad ni Cunanan na ongoing pa rin ang pagpi-print ng mga Self-Learning Modules o SLMs na gagamitin sa unang kwarter ng iba’t-ibang antas.
Pagtitiyak niya, maipamamahagi ang mga naturang SLMs sa mga mag-aaral bago pa ang simula ng klase sa Oktubre 5.
Samantala, ibinahagi rin ni Cunanan ang matagumpay na modular dry run na isinagawa ng mga paaralan sa lungsod. Kabilang dito ang dry run activity sa mga katutubo sa Mampueng kung saan napag-alaman ang mahinang signal para sa radyo at telebisyon.
Bilang pagtugon dito, magtatayo ng radio transmitter sa naturang lugar at mamimigay ng mga transistor radios ang Olongapo City Schools Division para magabayan ang mga bata sa kanilang aralin.
Dagdag pa Cunanan, aayusin ng kanilang tanggapan ang mga dapat ayusin upang mas mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa ilalim ng bagong normal. (CLJD/TJBM-PIA 3)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments