Tagalog News: Seguridad sa mga medical frontliner ng Palawan, tiniyak ng PDRRMO

Inihayag ni Palawan Provincial Disaster Risk Reduction Management Officer (PDRRMO) Jeremias Alili sa isinagawang virtual presser ng Philippine Information Agency (PIA) Mimaropa na may mga hakbang na silang pinaplano upang mabigyan ng seguridad ang mga medical frontliners ng pamahalaang panlalawigan na nakabase sa mga munisipyo. (Screenshot mula sa Virtual Presser ng PIA-Mimaropa)

PUERTO PRINCESA, Palawan, Agosto 5 (PIA) -- Pinaplano nang husto ng pamahalaang panlalawigan sa ngayon ang nararapat na seguridad, lalo na sa kanilang mga medical frontliner o humanitarian worker.

Ito ang inihayag ni Jeremias Alili, hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa virtual presser ng Philippine Information Agency (PIA)-Mimaropa kamakailan.

“Nag iisip kami kung ano ba ang mga susunod na hakbang namin para ma-proteksyunan, lalo na iyong aming ambulance na walang pinipiling oras kung bumyahe, kahit hatinggabi kahit sa mga liblib na pook pumupunta kami para sunduin ang pasyente na sinikap nating makapaghatid ng serbisyo sa ating mga kababayan,” ani Alili.

Ang pahayag ng opisyal ay bunsod ng nangyaring pananambang ng hinihinalang New People’s Army (NPA) sa ambulansya ng Rescue 165 na nakatalaga sa Barangay Dumarao, bayan ng Roxas na ikinasawi ng isang nars at ikinasugat ng iba pa.

“Panibagong challenge yan sa part namin, dahil sa ngayon, mas mahirap ang mag-transport, kahit regular na pasyente lang gamit ang ating vehicle, hindi na kasi nirerespeto,” dagdag pa ng opisyal.

Sa ulat ng Palawan Task Force to End Local Communist Armed Conflict (ELCAC), pabalik na sa kanilang himpilan sa bayan ng Dumaran ang medical team ng Rescue 165 na naka-base sa lugar nang pagbabarilin ang mga ito ng armadong grupo. (LBD/PIAMIMAROPA)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments