ASF tinututukan ng PLGU Quirino

CABARROGUIS, Quirino, Sept. 2 (PIA)—Nakatutok ngayon ang pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng Provincial Veterinary Office sa posibleng pagpasok at pagkalat ng African Swine Fever o ASF  sa lalawigan.

Ayon kay Gob. Dax Cua, ang ASF ay malaking problemang nauna pa  sa COVID-19 at noong nakaraang taon ay pinag-usapan na ng mga local na pamahalaan at ng Department of Agriculture .

Dagdag ni Cua, nakapagpulong pa ang mga local government units kasama si  Presidente Duterte sa Malacañang bago nag-lockdown at ang topic ay ASF.

“Dito sa ating probinsya ng Quirino, mas marami yung mga backyard hog raisers,  80-90% ng aming hog raiser ay maliliit na operation lang sa kanilang bakuran, pinagkakakitaan, hanapbuhay nila at doon sila kumukuha ng income para sakanilang pamilya,”ani Gob. Cua.

Aniya, ang mga maliliit na hog raiser ang  apektado at magiging  kawawa  sa panahong ito at kailangan nila ng hanap buhay.

Paliwanag pa ni Cua, ang ASF ay nakahahawang sakit sa mga baboy at posibleng maisalin ng tao sa baboy ang virus kapag nakakain o nakahawak ito ng kontaminadong karne kung kaya’t kinakailangang maagapan ang pagkalat nito.

Ayon pa sa gobernador, pinoprotektahan ng provincial government at ng DA ang mga hog raiser at kapag naka-detect ng ASF ay agad aaksiyunan ng Municipal Agriculture Offices upang maiwasan ang pagkalat sa iba pang mga alagaang baboy.

“Ang tamang protocol ay isumbong agad sa ating MAO, magsasagawa ng masusing inspeksyon, maghuhukay para doon itatambak, susunugin at tatabunan ang mga patay na baboy. Yun ang protocol, may protocol na ang DA jan, kailangan nating sundin,” ayon pa kay Cua.

Isinalaysay din ni Gob. Cua na noong nagkaroon  ng konting kaso ng ASF  sa lalawigan, particular sa  bayan ng Saguday ay agad itong napigilan dahil  umaksyon agad si Mayor Mercy Pagbilao.

“Pinuntahan yung farm, nag-disinfect, ibinaon agad yung mga baboy at sinunog. Nagbigay din kami ng konting tulong bilang pandagdag doon sa assistance ng DA.  Mayroon  naman tayong programa para doon,” saad ng gobernador. (MDCT/TCB/PIA 2-Quirino)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments