LUNGSOD CALOOCAN, Sept. 14 (PIA) -- Iginiit ngayong araw ni Senator Win Gatchalian na mainam na buksan ang books of accounts ng tatlong higanteng kumpanya ng langis upang matiyak ang pagpapatupad ng tamang presyuhan ng mga produktong petrolyo sa merkado.
Magugunitang kamakailan lamang ay nagpasiya ang Korte Suprema na baligtarin ang kautusan ng Manila Trial Court noong 2019 sa Bureau of Internal Revenue (BIR), Commission on Audit (COA), at Bureau of Customs (BoC) na pabuksan sa Petron Corporation, Pilipinas Shell Petroleum Corporation, at Chevron Philippines ang kanilang books of accounts. Sabi ng Korte Suprema hindi raw ito mandato ng mga nasabing ahensiya ng gobyerno.
Bagkus, sa ilalim ng Section 14 ng Republic Act No. 8479 o ang Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1988, ang Department of Energy at Department of Justice (DOE-DOJ) Joint Task Force ang may mandatong magsagawa ng mga imbestigasyon at magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga pasaway na kumpanya ng langis.
“Balak kong maghain ng panukalang batas na magpapaigting sa kasalukuyang batas sa industriya ng downstream oil. Pinag-iisipan ko na rin ang ilang mga paraan para mas patatagin ang anti-trust safeguards na nasa RA 8479 at kung papaano ito iuugnay sa Philippine Competition Act,” sinabi ni Gatchalian sa PIA-NCR.
Ang probisyon ng anti-trust safeguards sa RA 8479 ay may layong panatilihin ang patas na kumpetisyon at maiwasan ang kartel at monopolya na siyang nagdidikta ng hindi makatarungang presyo sa merkado.
Maraming mga mamimili ang umaalma sa kalakaran ng pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Nagtataka sila kung bakit sa tuwing tumataas ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan ay agaran din ang sabay-sabay na pagatataas sa presyo ng tinaguriang “Big 3”kahit na nauna na silang mag-angkat ng langis bago pa tumaas ang presyo sa world market. Kaya minarapat ng chairman ng Senate Committee on Energy na busisiing mabuti ang galawan sa presyo.
Mariing sinabing ng senador na dahil sa kawalan ng ‘transparency’, umiingay ang ispekulasyon na may monopolya o sabwatang nangyayari sa pagitan ng tatlong malalaking kumpanya para manipulahin ang presyo sa merkado.
Sa kasalukuyan, ang downstream oil industry ay patuloy na pinangungunahan pa rin ng mga tinaguriang ‘Big 3’ oil companies kahit na mahigit tatlong dekada nang naisabatas ang Oil Deregulation Law.
Base sa 2019 year-end comprehensive report ng Oil Industry Management Bureau (OIMB) ng DOE, pinakamalaki ang market share ng Petron (24.59%), pumapangalawa ang Shell (18.49%) at pangatlo ang Chevron ( 7.57%).
“Kailangan ng transparency. Sa maraming pagkakataon na inakala nating mangyayari nuong maisabatas ang Oil Deregualtion Law, tulad ng pagbunsod ng kumpetisyon sa industriya at makatuwring pag-pepresyo ng mga produktong petrolyo, hanggang ngayon ay suntok sa buwan,” pagtatapos ni Gatchalian. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments