'Dear Teacher' letter writing inilunsad ng PHLPost online

LUNGSOD PASIG, Set. 14 (PIA) -- Inilunsad ng Philippine Postal Corporation (PHLPost) ang "Dear Teacher" Letter Writing Program online, bilang paggunita sa pagdiriwang ng buwan ng mga guro ngayong buwan ng Setyembre. 

Photo courtesy of PHLPost

Sa pamamagitan ng #nationalteachersmonth at #thankyouteachers itinatampok ng PHLPost, sa tulong ng Department of Education (DepEd) at Metrobank Foundation Inc., ang kahalagahan ng pagtuturo ng pagsusulat ng tamang liham pakikipagkaibigan, pagpapahalaga sa kapwa at pamilya at pagmamahal sa bayan.

Ayon sa PHLPost, habang nananatili ang mga kabataan sa kanilang mga bahay ngayong pandemya, isinusulong ng ahensya sa mga mag-aaral ang sining ng pagsusulat ng “simpleng liham ng pasasalamat” para sa mga guro sa pamamagitan ng Salamat Po (Thank You) Letter Writing Advocacy Program na taunang ginagawa. 

Binibigyang parangal ng PHLPost ang mga magigiting na guro ng paaralan sa lahat ng kanilang mga sakripisyo, kaalaman at gabay na kanilang ibinahagi sa mga kabataang mag-aaral.

Ang liham na ito ay magbibigay sa mga guro ng inspirasyon, magpapainit ng mga puso at pupukaw ng kanilang moral upang pahalagahan ang kanilang mga mabubuting gawa,” sinabi ng PHLPost sa PIA-NCR.

Sa pamamagitan ng proyektong ito, hangad ng PHLPost na maibalik ang hilig sa pagsusulat ng liham sa mga mag-aaral na umaasang maabot ang mas nakararaming publiko at pribadong mga paaralan, upang epektibong maisulong at mapaunlad ang mga kasanayan ng mga batang mag-aaral sa komposisyon.

Maaaring ipadala ang mga sulat sa pamamagitan ng email sa salamatpo.phlpost@gmail.com o sa pamamagitan ng Facebook sa @salamatpoletterwriting.

Sa pamamagitan ng epektibong paggamit ng social media sa pakikipag-ugnayan ngayong panahon ng pandemya, mananatiling ligtas ang ating mga kabataan habang ibinabahagi nito ang kanilang taos pusong pasasalamat sa mga guro sa pamamagitan ng liham.

Magugunitang ang tema ngayong taon ng National Teachers' Month ang "Gurong Filipino para sa Batang Filipino," na kinikilala ang dedikasyon ng mga guro para makapaghatid ng dekalidad na edukasyon ngayong may COVID-19, ayon sa DepEd.

Magtatapos ang pagdiriwang ng National Teachers' Month sa Oktubre 5, kasabay ng World Teachers' Day at pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan.

Sa virtual kick-off nitong Setyembre 5, inilunsad din ng PHLPost ang special stamp para sa National Teachers' Month. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments