LUNGSOD CALOOCAN, Sept. 15 (PIA) -- Pinatawan na ng Office of the Ombudsman ng anim na buwang preventive suspension ang 89 punong barangay mula sa iba’t ibang panig ng bansa dahil sa umano’y anomalya at iregularidad sa pamamahagi ng first tranche ng ayuda ng Social Amelioration Program (SAP).
Ito ang ibinalita ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Spokesperson Usec. Jonathan Malaya sa programang Laging Handa public briefing ng Presidential Communications, kasabay ng sabing iniutos na ng kanilang tanggapan sa mga alkalde ng naturang punong barangay ang pagpapatupad ng kanilang suspensyon sa lalong madaling panahon.
“Nagpalabas po ng preventive suspension ang Office of the Ombudsman laban sa 89 na punong barangay sa buong bansa dahil nahanapan natin ng ebidensya. Sabi po ng Ombudsman ay ang 89 na ito ay mabigat ang mga ebidensyang nakalap natin,” ani Malaya.
“Iba-iba po ang mga kasong nakalap natin laban sa kanila. Iyong iba ay may mga kaltas doon sa first tranche ng SAP, iyong iba ay nag-splitting sa dalawa o tatlong pamilya, iyong iba ay may bogus at pekeng benepisyaryo sa listahan,” aniya.
“Of all the 42,000 barangays nationwide ay maliit na porsyento lang naman ang nahanapan ng kaso,” dagdag pa niya.
Ani Malaya, ang preventive suspension ay “technically hindi penalty.” Aniya, ito ay isang “measure” na tinatanggal ang isang tao sa pwesto kahit hindi pa tapos ang kaso para hindi niya maimpluwensiyahan ang “conduct of investigation.”
“Dalawang effort po ito, mayroon tayong sinampahan ng administrative cases ng DILG mismo sa Office of the Ombusdsman, mayroon ding na-file sa mga piskal sa iba't-ibang prosecutor office sa bansa,” paliwanag ng opisyal.
Sinabi pa niya na ang naturang suspensiyon ay magsisilbi ring babala sa iba pang mga lokal na opisyales na ang katiwalian ay walang puwang sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, lalong-lalo pa ngayong panahon ng pandemya.
Magugunitang sa ipinalabas na kautusan ng Office of the Ombudsman na may petsang Sept. 2, 2020, isinaad na, “The evidence on record shows that the guilt of these punong barangays is strong and the charges against them involve Serious Dishonesty, Grave Misconduct, Abuse of Authority and Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service which may warrant removal from the service.”
Ayon pa sa Ombudsman, ang pananatili ng mga punong barangay sa posisyon ay maaring makaapekto sa mga kaso na inihain sa kanila “[so] placing them under preventive suspension for a period of six (6) months pursuant to Republic Act No. 6770 is proper under the premises.”
Kabilang sa mga rehiyon na may pinakamaraming punong barangay na sinampahan ng suspensyon ay ang Metro Manila (11), Ilocos Region with (12), at Cagayan Valley (10).
Tanging Soccsksargen, na binubuo ng South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani at General Santos, ang walang naitalang suspended na barangay official.
Kaugnay nito, sinabi pa ni Malaya na nagsampa rin ng kaso ang DILG laban sa 447 indibidwal para sa paglabag ng mga ito sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, RA 11469 o “Bayanihan To Heal As One” Act, at Code of Conduct of Government Officials and Employees dahil sa iregularidad sa pamamahagi ng emergency subsidy program ng SAP.
Sa bilang na ito, “211 are elected local and barangay officials, 104 are appointed barangay officials and 132 are their civilian co-conspirators.”
“Ito pong mga na-file natin ay 447 individuals for violations of RA 3019, RA 11469, RA 6713. [Of these] 211 are elected local and barangay officials, 104 are appointed barangay officials, and 132 ay mga civilian co-conspirators nila,” ani Malaya. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments