LUNGSOD CALOOCAN, Set. 21 (PIA) -- Hinimok ngayong araw ni Senator Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na gamitin ang P4-bilyong pondo nitong nasa "Bayanihan to Recover As One Act" o "Bayanihan 2" para sa teknolohiyang magagamit ng mga guro.
Paliwanag ni Gatchalian, sa ilalim kasi ng Bayanihan 2, ang naturang pondo ay inilaan para sa imprastraktura ng information and communications technology o ICT, pagpapatupad ng digital education, at iba’t ibang alternative learning modalities para sa distance learning. Kabilang dito ang pag-imprenta at pagpapamahagi ng self-learning modules.
“Ang aking mungkahi ay gamitin ang pondo para sa ating mga guro, lalo na sa teknolohiyang maaari nilang magamit ngayong may COVID-19 pandemic at kahit na matapos pa ito,” aniya.
Paliwanag naman ni DepEd Undersecretary for Finance Annalyn Sevilla sa isang pagdinig sa Senado, hinihintay ng DepEd ang pormal na komunikasyon mula sa Department of Budget and Management (DBM) upang linawin ang kahandaan ng pondo para sa distance learning.
Dagdag pa ng opisyal, kailangang magpasya ang kagawaran kung alin ba ang bibigyan ng prayoridad sa paggamit ng pondo.
Magugunitang may iba pang probisyon ang Bayanihan 2 upang masuportahan ang pagpapatupad ng Basic Education Learning Continuity Plan o BE-LCP. Kabilang dito ang pagkakaroon ng loan assistance, ayuda, at mga discount para sa pagbili ng mga kagamitan para sa distance learning. Halimbawa ng mga ito ay computer o laptop, at mga tablet.
Pinahihintulutan din ng Bayanihan 2 ang paggamit ng Special Education Fund o SEF ng mga lokal na pamahalaan para sa pagpapatupad ng distance learning. Maaari ring gamitin ang SEF para sa paglalagay ng mga handwashing stations at mga kagamitan para sa ligtas na pagbabalik-eskwela. Kabilang dito ang mga sabon, sanitizer, alcohol, thermometer, face masks, face shields at mga disinfectant.
“Ang modernisasyon sa ating sistema ng edukasyon, tulad ng mas malawak na paggamit ng teknolohiya para sa pagtuturo at sa pag-aaral, ay bahagi ng pagbangon ng ating mga paaralan mula sa pinsalang dulot ng COVID-19. Sa tulong ng Bayanihan 2, mapapaigting natin ang modernisasyon ng ating mga paaralan, maaabot natin ang mas maraming mag-aaral, at maipagpapatuloy natin ang edukasyon sa ligtas na paraan,” ani Gatchalian, ang Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments