LUNGSOD CALOOCAN, Set. 19 (PIA) -- Abot sa 853,325 benipisyado ng Social Amelioration Program (SAP) sa National Capital Region (NCR) ang hindi pa nakatatanggap ng tulong pinanasyal mula sa programa dahil sa hindi magkakatugmang impormasyon na kanilang ibinigay sa Seapartment of Social Welfare & Development (DSWD).
Ito’y ayon sa ulat ni DSWD Undersecretary Glen Paje sa Virtual Presser noong Huwebes, Setyembre 16.
“Kahit pa man ang punong tanggapan ng DSWD ay nasa NCR at nandito ang lahat ng mga Financial Service Provider (FSPs), nagkaroon ng pagkabalam dahil sa mga problema sa datos na ibinigay ng mga benipisyado,” pahayag ni Paje.
Ayon sa opisyal, maraming hamon na kinaharap ang Kagawaran sa pamamahagi ng 2nd tranche ng SAP, kaya malaki ang bilang ng failed transaction sa NCR.
Kabilang dito, ang hindi magkatugmang impormasyon sa registration at sa pangalan ng mga benipisyaryo sa payroll; duplikasyon sa mobile numbers o walang naibigay na cellphone numbers; hindi magkatugmang first and last name; hindi magkatugmang o maling mobile number at SAC ID na ibinigay at iba pa.
Ayon sa datos ng ahensiya, ang bilang ng mga failed transaction sa mga FSPs ay ang mga sumusunod: G-cash - -660,477, Union Bank – 60,865, Rob – 29,446. PayMaya 111,537.
Samantala, sa dash board ng implementasyong ng 2nd tranche ng SAP sa NCR na may petsang Setyembre 17, 2020, ang mga lokal na pamahalaan (LGU) ng ParaƱaque, Marikina at Valenzuela ang may 100% distribusyon. Anim na lokal na pamahalaan naman ang nasa 90% pataas nang pamamahagi, pito ang nasa 80% at ang Malabon ay nasa 65.11 at Pasig ay 61.7%.
Ayon kay Paje, umabot na sa higit PhP82.7 bilyon ang naipamahagi ng DSWD sa higit 13.85 milyon na pamilyang benepisyaryo ng SAP at patuloy pa rin ang kanilang pamamahagi upang mabigyan lahat ng target nilang benipisyado. (PIA-NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments