LUNGSOD CALOOCAN, Set. 16 (PIA) -- Nakatakdang simulan ng Pamahalaang Lungsod ng Makati sa Oktubre ang pagpapatayo ng Makati Columbarium sa dating kinalalagyan ng Makati Catholic Cemetery, ayon kay Mayor Abby Binay.
Aniya, matutugunan ng Columbarium ang pangangailangan ng mga residente para sa disenteng himlayan ng mga yumaong mahal sa buhay nang hindi kailangang gumastos ng malaki. Kasabay nito, masosolusyonan din ang kakulangan sa espasyo para sa libingan sa Makati.
Dagdag pa ni Mayor Abby, sa pamamagitan ng libreng cremation at inurnment services na handog ng Columbarium, maaaring mabigyan ng pormal at disenteng libing ang sinumang mamamayan ng Makati sa kanilang pagpanaw, anuman ang estado nila sa buhay.
Tiniyak din ng alkalde sa mga residente na ang pasilidad ay dinisenyo bilang people-friendly at environment-friendly, at magtataguyod ng kaligtasan, kaginhawaan at katatagan.
Batay sa site development plan mula sa city engineering department, unang itatayo ang dalawang gusali ng columbarium kung saan ilalagay ang chapel, viewing areas, cremation area, at 14,784 urn vaults.
Sakop ng pasilidad ang 4,000-square meter na lupain sa may Kalayaan Avenue na dating kinalalagyan ng lumang sementeryo.
Nauna nang nagpalabas ng panawagan ang lungsod para sa mga kaanak ng mga nakalibing pa sa sementeryo na makipag-ugnayan sa Makati Health Department o MHD para sa paglilipat ng mga labi ng kanilang mga mahal sa buhay. Maaari silang tumawag sa telepono bilang 8870-1610, Lunes hanggang Biyernes, ala-una hanggang alas singko ng hapon. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments