‘Magna Carta for Public School Teachers’ napapanahong repasuhin--Gatchalian

LUNGSOD CALOOCAN, Sept. 18 (PIA) -- Isinusulong ni Senator Win Gatchalian ang pagrepaso sa pagpapatupad ng Magna Carta for Public School Teachers (Republic Act No. 4670), upang matiyak na napapangalagaan ang kapakanan ng mga guro sa pampublikong mga paaraIan.

Inihain ng senador ang Senate Resolution No. 522 upang matukoy ang mga pagkukulang, mga hamon, at iba pang mga isyu sa pagpapatupad ng naturang batas na layong itaguyod ang kapakanan ng mga guro. Bagama’t mahigit limampung (50) taon na ang nakaraan simula nang ipatupad ang batas, pinuna ni Gatchalian na hindi lahat ng probisyon nito ay naipatutupad.

“Napapanahong masuri natin kung paano ba pinapangalagaan ng ating gobyerno ang ating mga guro, lalo na’t mahalaga ang papel nila sa pagpapatuloy ng edukasyon sa gitna ng pandemya. Sa gagawin nating pagsusuri, nais nating matukoy kung paano pa natin mapapaigting ang pagpapatupad sa Magna Carta for Public School Teachers, upang masiguro nating lubos nating napapangalagaan at naitataguyod ang kapakanan ng ating mga guro,” pahayag ni Gatchalian na Chairperson ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Kabilang dito ang libre at taunang medical examination bago sumabak ang mga guro sa pagtuturo. Bagama’t may ganitong probisyon ang Magna Carta, hindi nakapaglalaan ng halaga sa taunang budget para sa check-up at pagpapagamot ng mga guro.

Ayon kay Gatchalian, mas nabigyang-diin ang kakulangang ito sa gitna ng COVID-19 pandemic na ngayo’y nagbabanta sa kalusugan at kaligtasan ng mga guro sa pagpapatupad ng distance learning.

Mandato rin ng Magna Carta na hindi dapat lalagpas sa anim (6) na oras ang pagtuturo at pagtatrabaho ng mga guro.

Ayon sa isang pag-aaral ng Philippine Institute for Development Studies o PIDS, natatabunan ang mga guro ng mga gawaing walang kinalaman sa pagtuturo. Kabilang dito ang mga gawaing may kinalaman sa student guidance, pagkwenta ng budget, pag-responde sa mga sakuna, at pagsali sa iba pang mga aktibidad at programa tulad ng pagbabakuna, feeding, deworming, at eleksyon.

Isinusulong din ng Magna Carta na siguruhing tumataas ang sahod ng mga guro. Sa kabila nito, pinuna ni Gatchalian na napag-iwanan na ang mga guro ng ibang mga propesyonal sa pamahalaan, kabilang ang mga sundalo at mga pulis. (PIA NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments