'Parenting sa Panahon ng Pandemya' webinar inilunsad ng Pasig LGU

LUNGSOD PASIG, Set. 4 (PIA) -- Inilunsad ng Pamahalaang Lungsod ng Pasig ang isang seminar o webinar kung saan inaanyayahan ang mga magulang o tumatayong magulang na makilahok at makipag-ugnayan.

Ang “Parenting sa Panahon ng Pandemya” online seminar, na nag-umpisa nitong Setyembre 1 at magtatapos sa Setyembre 12, 2020, ay tampok tuwing Martes, Huwebes, at Sabado, mula 2:00 hanggang 4:30 ng hapon.

Ang naturang webinar ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng Pasig City Schools Division Office at Synergeia Foundation.  

Ayon sa pamahalaang lungsod, ngayong panahon ng pandemiya ay mahalagang matutukan ang pag-aaral ng mga kabataan kung saan pansamantalang naiiba ang paraan ng pag-eeskuwela.

Bukod dito, mahalaga rin ang pagkakaroon ng koneksyon ng mga magulang at ng mga paaralan upang mas mapadali ang pakikipag-ugnayan ng bawat isa.

Maaaring makilahok sa seminar sa Facebook Live sa pamamagitan ng link na ito: www.faceboook.com/SynergeiaFoundation.

Layon din nito na mabigyan ng tama at napapanahong impormasyon ang mga education stakeholders sa gitna ng COVID-19 pandemic. (PIA-NCR)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments