RTF hinikayat ang mga LGU na gamitin ang 'HealthGuard' project ng ISU

TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Sept. 8 (PIA) - - Hinikayat ni Regional Task Force for Corona Virus Disease 2019 (RTF-COVID-19) Cagayan Valley chairperson Dante Balao ang mga lokal na pamahalaan na gamitin ang binuong online monitoring at tracing system ng Isabela State University (ISU) sa pakikipagtulungan ng Office of the Civil Defense.

Lumagda sina City of Ilagan Mayor Jose Mari Diaz (gitna) at ISU President Ricmar Aquino ng MOA para sa paggamit ng HealthGuard.ph app. (Litrato ng LGU Ilagan) 

Ang "HealthGuard.ph" ay isang website kung saan maaring irehistro ang mga mamamayan ng isang bayan o lungsod at kahit maging ang mga bisita lamang. Ang mga detalye ng isang mamayan ay nakapaloob sa sistema tulad ng kaniyang pangalan, edad, lugar kung saan nakatira at iba pa.

Ayon kay Balao malaki ang maitutulong ng nasabing sistema para sa agaran at mabilisan na pagsasagawa ng contact tracing kung sakaling may isa man sa mga ito ang magpopositibo.

Gayonman, nilinaw nito na ang website ay maaring mabuksan ng publiko subalit ang mga ilang mga detalye tulad ng pangalan at iba pang pagkakakilanlan ng mga taong nasa data base ay maaari lamang ma-access ng mga ototridad.

"Sinisiguro ng sistemang ito na susundin ang Data Privacy Act kaya yung mga pangalan at iba pang detalye na hindi maaring isapubliko ay hindi makikita ng publiko. Tanging ang case code, status ng barangay kung nasa critical zone, containment zone, buffer zone o COVID-free ang makikita sa sistema. Makikita rin ang kabuuang bilang, mga aktibo, naka-recover na at mga namatay maging ang status ng mga pasyente kung sila ay asymptomatic, may mild symptoms, critical o nasa severe stage," pahayag ni Balao.

Sa ngayon, iilan pa lamang aniya ang gumagamit sa HealthGuard.ph at kabilang sa pinaka-unang sumubok nito ay ang pamahalaang panlungsod ng Ilagan.

Inihayag ni Mayor Jose Marie L. Diaz ng City of Ilagan na malaki ang naitulong ng HealthGuard project sa kanila noong nagkaroon sila ng local transmission dahil natunton nila agad ang mga nakasalamuha ng mga nagpositibo sa kanilang lungsod.

Inilahad din nito na dahil sa proyekto ay nagawa rin nilang mapigilan ang posibleng pagkalat pa ng virus dahil agad nilang na-isolate ang mga natukoy na close contacts ng mga positibong kaso. 

Inihayag naman ni ISU President Ricmar Aquino na handa silang makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan na nais pumasok sa isang kasunduan sa Unibersidad para magamit ang proyekto. (OTB/PIA-Cagayan) 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments