TACLOBAN CITY, Setyembre 12 (PIA) -- Nagkasundo na magsasanib pwersa ang LGU Tacloban at PLGU Leyte para labanan ang paglaganap ng COVID-19 na pandemya.
Ito ang pahayag ni Department of the Interior and Local Government Regional Director Karl Caesar Rimando nang makapanayam ni Philippine Information Agency RD Olive Tiu, kamakailan.
Ani RD Rimando na Chairperson ng Regional Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases, “Nagkaroon ng pagpupulong na ipinatawag ng DILG, na nilahukan ng ating Punong Ehukatibo ng Lalawigan, si Governor Leopoldo Dominico Petilla at ang Punong Ehukatibo ng Siyudad ng Tacloban na si Mayor Alfred Romualdez.
Nagkasundo sila Gov. Petilla at Mayor Romualdez na magka-isa para ipatupad ang mga health protocols hinggil sa border checkpoints, isolation and quarantine procedure, requirements para sa mga APORS, Dialysis ng mga pasyente, at imbentaryo ng mga Health Care Workers.
“Ang mahalaga pong napagkasunduan nila, ay silang dalawa ay gagalaw po, para sa kapakanan ng kanilang mamamayan, para po sa kalusugan ng mga mamamayan laban sa COVID-19 dito po sa Tacloban at saka po sa probinsiya ng Leyte,” dagdag pa ni Rimando.
Kasama ni Gov. Petilla sa pagpupulong sina Dr. Lesmes Lumen, Leyte Provincial Health Officer at si Provincial Administrator Atty. Edgardo Cordeño. Kasama naman ni Mayor Romualdez sina City Health Officer Dr. Gloria Fabrigas and City Administrator Atty. Aldrin Jude Quebec. (PIA-8)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments