LUNGSOD NG COTABATO, Set. 22 (PIA) – Aprubado na ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) ang panukalang batas na bubuo sa Bangsamoro Sports Commission (BSC).
Sa ika-42 sesyon ng plenaryo ng ikalawang regular na sesyon ng BTA sa pamamagitan ng zoom online teleconferencing kamakailan, lahat ng miyembro ng parliament ay pumabor sa pagpasa ng nasabing panukalang batas.
Ang BSC ang bubuo ng mga patakaran, magsusulong, magkokontrol, magkikipag-ugnayan, at magpapatupad ng mga programang pang-isports sa rehiyon ng Bangsamoro. Kasama sa mandato ng BSC ang magbigay ng sistema, suporta, at tulong sa pagpapaunlad ng isports sa rehiyon.
Binigyang-diin ni MP Ziaur-Rahman Alonto Adiong na mahalaga ang sports commission sa pamahalaan ng Bangsamoro. Aniya, malalaman ang kakayahan ng Bangsamoro bilang nagkakaisang mamamayan kung maitataguyod nito ang konsepto ng pagtutulungan sa mga kabataan.
Ang pagbuo sa BSC ay sa ilalim ng Section 20, Article IX ng Republic Act No. 11054 o ang Bangsamoro Organic Law.
Sa ngayon, 12 panukalang batas na ang naaprubahan ng BTA. Kabilang dito ang pagbuo ng Bangsamoro Attorney General’s Office (BAGO), Bangsamoro Women’s Commission (BWC), Bangsamoro Human Rights Commission (BHRC), at Bangsamoro Youth Commission (BYC). (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from BPI-BARMM).
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

0 Comments