Tagalog News: KWF nag aanyaya sa publiko na sumali sa 'Tula Táyo'

LUNGSOD NG QUEZON, Sep. 11 (PIA) --  Inaanyayahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang lahat na sumali sa 'Tula Táyo!'  na ang huling araw ng pagpapaskil online ng mga lahok ay sa Setyembre 28.  

Ang Tula Táyo ay isang online na timpalak sa pagsulat ng katutubong tula na itinataguyod ng Komisyon sa Wikang Filipino para sa Buwan ng Wika at nagdaang Buwan ng Panitikan.

"Nakasentro ang tema ng Buwan ng Wika 2020 -- “Wika ng Kasaysayan, Kasaysayan ng Wika” Ang mga Katutubong Wika sa Maka-Filipinong Bayanihan Kontra Pandemya -- sa halaga ng Filipino at mga katutubong wika sa bansa bílang mabisang sandata sa pakikidigma laban sa pandemya," ayon sa KWF.

Ang Abril ay Buwan ng Panitikan o National Literature Month -- alinsunod sa Proklamasyon Bilang 968 na nilagdaan noong 2015. Ang pagdaos ng mga institusyonal na programa ay naantala bilang pagsunod sa umiiral na enhanced community quarantine sa bansa dulot ng COVID-19.  Ang mga proyektong online at pagpapatuloy ng mga programa nito para sa selebrasyong ito ay naganap nitong  Agosto  kasabay ng Buwan ng Wika, ayon pa sa  KWF.

Para sa mga nais sumali, narito ang mga tuntunin:

1. Ipapaskil ang mga tula—diyona, dalít, o tanaga—sa seksiyon ng mga komento sa nakatalagang poster para sa bawat anyo ng tula. Ibig sabihin, ipapaskil ang mga diyona sa poster na tampok ang diyona, mga tanaga sa poster para sa mga tanaga, at mga dalit sa poster ng dalít.

2. Magiging opisyal lamang ang mga lahok kapag ipinaskil ito sa seksiyon ng komento ng mga poster na matatagpuan sa page ng Komisyon sa Wikang Filipino.

3. Nasa wikang Filipino at orihinal dapat ang mga tula. Papaksain ng mga ito ang kasalukuyang danas ng bayan sa pandemya. Pahihintulutan ang kahit ilang entri mula sa mga kalahok.

4. Kikilalanin ang mga nagsipagwagi sa Pandaigdigang Araw ng mga Guro sa 5 Oktubre 2020. Tatanggap ang mga nagsipagwagi sa tatlong anyo ng katutubong tula ng sumusunod:

Unang Gantimpala: PHP5,000.00

Ikalawang Gantimpala: PHP3,000.00

Ikatlong Gantimpala:PHP1,500.00

5. Setyembre 28 ang hulíng araw ng pagpapaskil ng mga lahok.     

       https://www.facebook.com/komfilgov/photos/a.926809631048246/1089439678118573/

6. Para sa mga naunang nagpaskil ng kanilang mga lahok, ito ay nai-save na ng KWF para sa gagawing deliberasyon ng mga hurado. 

7. Narito ang mga links kung saan nyo ipapaskil ang inyong tula: 

Para sa Dalit:   https://www.facebook.com/komfilgov/photos/a.926809631048246/1089439321451942

Para sa Diyona:   https://www.facebook.com/komfilgov/photos/a.926809631048246/1089438951451979

Para sa Tanaga:    https://www.facebook.com/komfilgov/photos/a.926809631048246/1089437834785424                      (MCG/PIA-IDPD/KWF)

 

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments