Tagalog News: Linggo ng Kabataan sa Midsayap matagumpay na isinagawa sa gitna ng pandemya

MIDSAYAP, Lalawigan ng Cotabato, Set. 26 (PIA)-  Matagumpay na idinaos ng Sangguniang Kabataan Municipal Federation (SKMF) ng Midsayap ang 2020 Linggo ng Kabataan (LNK) ngayong buwan sa kabila ng hamon dulot ng banta ng coronavirus disease 2019.

Ang LNK ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Midsayap katuwang ang Midsayap Youth Development Council (MYDC).

Nabatid na ang isang linggong selebrasyon ay tinampukan ng iba’t-ibang aktibidad kagaya ng Kabataan: A Unity Ride, Survival Garden Competition, SK QuaranQuiz, Talk Series: Responsible Use of Social Media, Debate Kabataan, Musikang Handog para sa Frontliners, Kabataan para sa Kalikasan: Tree Planting and Monitoring Activity, at Mobile Legends Tournament.

Ayon kay Mark Ferven Avance, SK Municipal Federation President, karamihan sa mga aktibidad ay ginamitan ng online platform gayong ipinagbabawal pa ang non-essential gathering bunsod ng umiiral na community quarantine. Dagdag pa niya, lahat ng aktibidad ay naisangguni sa Emergency Operations Center ng Midsayap COVID-19 Task Force.

Giit ni Avance sa kabila ng kinakaharap na pandemya, patuloy pa rin ang SKMF ng Midsayap sa paglinang ng kakayahan ng kabataan sa bayan. Siniguro din ng opisyal na nasunod ang ipinatutupad na health protocol sa pagpapatupad ng mga aktbidad. Sa ngayon, may ilan pang mga aktibidad kaugnay sa LNK ang nagpapatuloy.

Tema ng Linggo ng Kabataan ay, “Youth Engagement for Global Action”. (With reports from BautistaR-SB-Midsayap)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments