Tagalog News: ‘Local transmission’ ng COVID-19 muling naitala sa Puerto Princesa

PUERTO PRINCESA, Palawan, Setyembre 28 (PIA) -- Muli na namang nakapagtala ng ‘local transmission’ ang lungsod ng Puerto Princesa.

Ito ay matapos na nag-positibo sa coronavisrus 2019 (COVID-19) ang isang 23 anyos na lalaki na residente ng Barangay Mandaragat at empleyado ng gobyerno.

Sinabi ni Dr. Fi Atencio, safety officer ng Incident Management Team (IMT) ng lungsod sa live briefing sa City Information Department Facebook page, nasa 44 ang unang grupo ng close contacts o nakasalamuha nito na isasailalim sa swab test.

Aniya, nagpatingin din ang pasyente sa out-patient department ng isang ospital sa lungsod, at may nadaluhang pagtitipon, kung kaya bukod sa kaniyang mga kasama sa bahay ay dapat ding masuri ang iba pang nakasalamuha nito.

Samantala, bukod sa isang naitalang community transmission, may isa pang nag-positibo sa COVID-19 kahapon. Ito ay isang 42 taong gulang na authorized person outside residence (APOR).  Ito naman ay nahawa sa eroplano ng nakatabi nitong nag-positibo rin sa sakit.

Kaugnay nito, dahil sa naitalang community transmission, ipinaalala ni Dr. Dean Palanca, commander ng IMT sa publiko na umiwas muna sa ano mang selebrasyon o pagtitipon.

Dapat din aniyang maghigpit ang mga establisyemento, maging ang mga opisina pribado man o gobyerno sa mga ipinatutupad nitong mga panuntunang pangkalusugan.

Suspendido rin muna ang pagsasagawa ng seremonya ng pagtataas ng watawat ng mga empleyado ng pamahalaang lungsod na idinadaos tuwing Lunes sa Gusaling Panlungsod. (LBD/PIAMIMAROPA)

 

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments