Tagalog News: Pag-aalaga ng manok, kabuhayang bigay ng isang bayan sa Agusan del Sur

LUNGSOD NG BUTUAN, Setyembre 23 (PIA) - Maliban sa backyard gardening, abala rin ngayon ang mga residente ng Esperanza, Agusan del Sur sa pag-aalaga ng manok bilang suporta sa kanilang kabuhayan lalo na ngayong may pandemic.

Sa ilalim ng Free Range Chicken Project ng Provincial Veterinary Office, kabilang ang mga magsasaka sa nakinabang sa nasabing proyekto.

“Malaking tulong ito sa amin lalo na ngayong may COVID-19 pandemic,” ani ni Crecencio Desire na isa sa mga farmer-beneficiary.

“Nagpapasalamat ako dahil malaking tulong na rin ito upang masuportahan ang aming pang-araw araw na pangangailangan,” dagdag naman ni Aurelia Salingay na isa ring magsasaka.

Ayon kay Premo Calo, isang beterinaryo, may mahigit 20 barangay na ang nakinabang sa proyektong ito.

“Sa bawat barangay ay may onse na participants o recipients na tatanggap ng tig-lilimang manok. Ang total nito ay aabot sa 1,300 na mga manok na ibibigay sa bawat barangay,” sabi ni Calo.

Sinabi rin ni Dr. Lovely Leah Sanggalang ng Provincial Veterinary Office, na layon ng nasabing proyekto ang mabigyan ng kabuhayan ang mga residente sa barangay at makaahon sa hirap.

Samantala, handa rin ang Municipal Agriculture Office na umalalay sa mga residente para mapalago ang kanilang kabuhayan at maiwasan ang ibat-ibang sakit na galing sa manok. (JPG/PIA-Agusan del Sur)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments