LUNGSOD NG BUTUAN, Setyembre 25 (PIA) -- Inihatid ng lokal na pamahalaan ng Agusan del Sur ang Serbisyo Caravan sa mga residente ng liblib na barangay ng San Luis sa nasabing probinsya.
Natuwa ang benepisaryong si Robin Rocero dahil nakakuha na ito ng kopya ng kanilang marriage contract ng kanyang asawa at birth certificates ng kanyang mga anak.
"Kung hindi siguro ito umabot dito, marami pa sigurong hindi nakasal, hindi nakakuha ng marriage contract, wala ding birth certificate at marami pa din siguro ang hindi narehistro. At marami ring mga bata na hindi pa natuli," ani ni Rocero, residente sa Barangay Mahayahay.
“Malaki ang aking pasalamat at napabilang ang barangay Mahayahay na binisita ng taga LGU," sabi naman ni Sergio Manlumabe, punong barangay.
Lubos din ang tuwa ng isang senior citizen na si Leonardo Rementiza o mas kilalang Datu Mandesisyon dahil sa tulong na ipinaabot sa kanilang sektor. “Masaya ako sa inisyatibong ito ng gobyerno na dumating sa lugar namin para sa ikauunlad ng mahayahay," banggit niya.
Nabiyayaan din ng libreng bigas at hygiene kits ang bawat pamilya.
Ang Serbisyo Caravan ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ay ang implementasyon ng Executive Order No. 70 ni Pangulong Rodrigo Duterte para tugunan ang mga problema sa komunidad at wakasan ang local communists armed conflict. (JPG/PIA-Agusan del Sur)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments