DAET, Camarines Norte, Setyembre 24 (PIA) – Tampok ang proyektong “Plastic Bottle Palit Bigas” ng Sangguniang Kabataan (SK) sa Barangay V sa bayan ng Daet bilang pagkakaabalahan sa loob ng kanilang mga tahanan.
Ang proyekto ay malaking tulong sa mga kabataan dahil maiiwasan ang paglabas ng bahay sa gitna ng nararanasang pandemya dulot ng COVID-19.
Ayon kay SK Chairman Maria Monica B. Abanes, sila ay nahikayat sa ganitong proyekto matapos ang isinagawang seminar tungkol sa Proper Waste Disposal kung saan tinalakay ang maaaring gawin ng mga kabataan upang makakatulong sa kapaligiran.
Aniya, nahikayat rin ang mga kabataan na makiisa sa ganitong gawain para mabawasan ang basura sa tahanan at makatulong sa kanilang mga magulang sa pang-araw-araw na pagkain.
Ayon kay Abanes, ang proyektong ito ay sinimulan noong nakaraang taon 2019 at bawat taon na nila itong paglalaanan ng pondo sa kanilang barangay, kung saan ang bawat plastic bottle o eco bricks ay papalitan ng isang kilong bigas.
Sa kasalukuyan ay umaabot na sa mahigit 400 plastic bottles o eco bricks ang naiipon na kanilang gagamitin sa pagpapagawa ng play ground ng barangay na gagawin ding bakod maging sa mga tanim na nakapaligid dito.
Nakatakda ring magsagawa ng paligsahan na pangungunahan ng mga itinalagang Katipunan Kabataan officers sa bawat purok gamit ang mga plastic bottle sa darating na kapaskuhan.
Ang ibang maiipong eco bricks ay maaari nilang ibahagi o i-donate sa pamunuan ng Camarines Norte Water District/Prime Water upang gawing upuan at lamesa para sa mga paaralan.
Matatandaan na ang paggawa ng eco bricks ay una nang inilunsad ng Camarines Norte Water District/Prime Water noong nakaraang taon upang isulong ang kampanya kontra plastic sa programang Pulot Plastic para sa Pabakod (PPP) na may layuning mabawasan ang basura sa pamamagitan ng paglilikom nito.
Sa pagbuo ng isang eco brick, kailangan ang mga ginupit na plastic na ipapasok sa loob ng 1.5 litrong plastic na bote. Dapat na ito ay puno, siksik ang laman, walang anumang matulis na bagay o metal sa loob, walang papel at kailangang tuyo at malinis.
Ang isang eco brick ay katumbas ng bigat na hindi bababa sa 500 gramo at maaaring umaabot pa ito sa isang kilo kung ito ay ginupit ng pino. (RBM/ROVillamonte-PIAV/Camarines Norte)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments