TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Sept. 23 (PIA) - - Dahil sa patuloy na paglobo ng mga kaso ng Corona Virus Disease 2019 (COVID-19) sa lungsod, muling ipapatupad ang pagggamit ng "COVID Shield Control Pass" para sa mga residente.
Ayon kay Vice Mayor Bienvenido De Guzman simula ngayong araw ay gagamit muli ng "control pass" ang lahat ng mga lalabas ng kani-kanilang mga tahanan para mamili ng kanilang mga kakailanganin.
Ani De Guzman ang mga opisyal sa bawat barangay muli ang naatasang mamahala sa pamamahagi ng mga "control pass" kung saan may limitasyon sa oras ng pagkuha at pagbalik sa mga ito.
Para naman sa mga nagtatrabaho sa gobyerno, kailangan lamang ipakita ang kanilang Identification Card (ID) samantala ibabalik naman ang employer-employee pass para sa mga nagtatrabaho sa mga pribadong mga establishimento.
"Tingnan natin if makakatulong ito para maibaba natin ang mga kaso ng COVID-19 sa ating lungsod. Dumarami kasi at nagkakaroon ng "clustering" ng cases sa mga barangay," pahayag ng bise alkalde.
Maliban dito ay hinabaan din ang curfew hours sa lungsod. Magsisimula na ito alas-diyes ng gabi hanggang alas-kwatro ng madaling araw mula sa dating alas-onse hanggang alas-kwatro.
Ang mga panuntunan na ito ay magtatagal hanggang Oktubre sais.
Gayonman, nilinaw ni De Guzman na walang pagbabago sa quarantine status ng lungsod. Ito aniya ay nasa Modified General Community Quarantine parin subalit dahil umabot na sa mahigit limampu ang aktibong dahil sa local transmission ay kailangan nang magpatupad ng mas mahigpit na protocol.
Inihayag din nito na sa ngayon ay wala pang balak ang konseho na muling isailalim sa mas mahigpit na qaurantine status ang lungsod dahil isinaalang-alang nila ang kabuhayan ng mga mamamayan at ang ekonomiya ng lungsod na lubhang naaapektuhan kung ibabalik sa lockdown ang buong lungsod.
Maliban dito, inamin din ni De Guzman na hindi na kakayanin ng pondo ng lungsod ang pagmamahagi ng ayuda sa lahat ng mga maapektuhan ng lockdown kung sakaling ibalik ang Enhanced Community Quarantine sa lungsod. (BME/OTB/PIA-Cagayan)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments