
LUNGSOD CALOOCAN, Okt. 25 (PIA) -- Upang matiyak ang maayos na implementasyon ng Basic Education Learning Continuity Plan (BE-LCP), magiging katuwang ng mga magulang ang itatalaga na Learning Support Aides (LSAs) para gabayan ang kanilang mga anak at masiguro ang tuloy-tuloy na pagkatuto mula sa kanilang sariling tahanan.
Ayon sa Kagawaran ng Edukasyon, magiging kaagapay din ng mga guro ang LSAs sa pagtataguyod ng mga programa na layong magbigay ng dekalidad na edukasyon sa mga mag-aaral.
“Mahalagang ang pagpapatuloy ng edukasyon kahit pa may nararanasang pandemya, mayroong mga karagdagang gawain ang mga guro, may mga balakid at hamon din silang dapat malampasan, kaya kailangan nila ang suporta ng mga LSAs,” pahayag naman ni Kalihim Leonor Briones.
“ Magsisilbi sila upang magbigay suporta sa mga mag aaral na hirap makayanan ang independent learning, kabilang na iyong mayroong kapansanan at espesyal na pangangailangan; mga mag aaral na walang miyembro ng pamilya na makagagabay upang para sa distance learning delivery modalities; at mga magaaral na may trabaho ang parehong magulang at hindi magagabayan at mamomonitor ang pag aaral ng kanilang anak sa bahay” dagdag pa ng Kalihim.
Ang LSAs ay inaasahan na 1) gagabay sa mga magulang at kanilang mga anak para sa maayos na paggamit ng napiling learning delivery modality, 2) tutulong sa paghahanda ng mga guro, at 3) susubaybay sa mga gawain ng mga mag-aaral. Samakatuwid, ang mga guro pa rin ang siyang magiging pangunahing tagapangasiwa mula sa paaralan ng teaching-learning process.
Samantala, sinabi naman ni DepEd Undersecretary for Planning, Human Resource and Organizational Development Jesus L.R. Mateo, ang mga guro pa din naman ang mangunguna sa pagtuturo, habang ang mga LSAs sa pakikipag ugnayan sa mga guro, ang magbibigay suporta upang tiyakin ay nakasusunod sa iba’t ibang learning modalities.
Alinsunod sa Civil Service Commission (CSC), Commission on Audit (COA), at Department of Budget and Management (DBM) at iba pang kaugnay na patakaran, ang LSAs ay magiging sakop ng Contract of Service or Job Order at makakatanggap ng hindi bababa sa minimum daily wage rate na itinalaga sa bawat rehiyon ng National Wages Productivity Commission.
Hinihikayat ang mga School Divisions Offices (SDOs) na nangangailangan ng LSAs na bigyang prayoridad ang teacher applicants ngayong taong panuruan 2020-2021. Bukod dito, bukas din ang kagawaran para sa mga LET passer, mga guro mula sa pribadong paaralan, at provisional teachers na hindi nakapag-renew ng kanilang kontrata.
“Ang pag empleyo ng mga LSAs ay karagdagang oportunidad upang makapagbigay ng hanapbuhay sa mga komunidad sa gitna ng pandemya,” ayon kay Mateo.
Ang pagtatalaga ng Learning Support Aides sa mga pampublikong paraalan ay naaayon sa DepEd Order No 32, s. 2020 o ang Guidelines on the Engagement of Services of Learning Support Aides to Reinforce the Implementation of the Basic Education Learning Continuity Plan (BE-LCP) in Time of COVID-19 Pandemic. (PIA-NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments