MARIVELES, Bataan, Oktubre 1 (PIA) -- Binigyang-diin ni Governor Albert Raymond Garcia na ang kooperasyon at disiplina ng mga Bataeño ang pangunahing susi sa pagbaba ng kaso ng coronavirus disease o COVID-19 sa lalawigan.
Sa isang talakayan, sinabi ni Garcia na mula sa mahigit 1,000 kaso ng COVID-19 ay napababa ito ng probinsya sa mahigit 500 kaso o katumbas ng 50 porsyentong pagbaba sa loob lamang ng dalawang linggo.
Ayon sa gobernador, nasa kamay ng mga mamamayan ang pagsugpo sa impeksyong dulot ng COVID-19 dahil 85% nito ay maiiwasan kung magiging disiplinado ang mga ito at susunod sa mga panuntunang pangkalusugan.
Bukod dito, sinabi ni Garcia na malaki rin ang naging ambag ng sipag, kooperasyon, at malasakit ng mga frontliner sa patuloy na pagsugpo ng pandemya.
Ayon sa kanya, mahalaga ang ginagampanang papel ng pagtutulungan ng lahat mula sa mga munisipyo, barangay, at mga ospital para matest, macontact trace, maisolate, maalagaan at mabantayan ang mga barangay at bayan upang maiwasan ang hawaan sa naturang sakit.
Samantala, upang masiguro naman ang tuluy-tuloy na pagbaba ng mga kaso sa lalawigan, sinabi ni Garcia na may mga inilalatag silang mga bagong inisyatibo para masiguro ang kaligtasan ng kanyang nasasakupan.
Isa na rito ang pagpapatuapd ng mga hakbang na titiyak na handa ang mga negosyo sa pagbubukas ng ekonomiya upang ligtas na makapagpatuloy ang mga Bataeño sa kanilang paghahanapbuhay.
Ibinahagi rin ng gobernador na sinimulan ng ipatupad ang QR Code sa mga checkpoint ng lalawigan.
Binanggit din ni Garcia ang plano na magtayo ng isang mega quarantine facility upang mas maging epektibo ang tugon ng lalawigan kapag nagbukas na ito dahil sa halip na hiwa-hiwalay ang mga healthworker at kinakailangang kagamitan sa mga maliit na pasilidad ay mapag-iisa na ito.
Isa rin sa mga inisyatibo ng pamahalaang panlalawigan ang pagbibigay ng pagkilala at insentibo sa mga barangay at munisipalidad na mapabababa ang kaso ng COVID-19 ng hanggang 20% kada dalawang linggo.
Sa paraang ito aniya ay mahihimok ang mga mamamayan at opisyal na patuloy na maging masigasig sa pagsugpo sa naturang sakit.
Samantala, nangako naman si Presidential Spokesperson Harry Roque na nakahandang tumulong ang pamahalaang nasyunal sa laban ng Bataan kontra COVID-19.
Aniya, nakatakdang bumisita sa lalawigan ang Coordinated Operations to Defeat Epidemic o CODE Team upang malaman kung ano pa ang mga pangangailan ng lalawigan.
Magbibigay din aniya ng pamahalaang nasyunal ng mga face masks, personal protective equipment, mga gamot tulad ng Remdesivir at Avigan, ventilators, at cannula. (CLJD/MJSC-PIA 3)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments