CABARROGUIS, Quirino, Oct. 19 (PIA)—Muling inanyayahan ng National Food Authority (NFA) ang mga magsasakang Quirinian na magbenta ng kanilang mga produktong palay sa mga bodegang matatagpuan sa Diffun, Cabarroguis, Maddela at Saguday.
Sa panayam kay NFA Manager Ramon Palada, bibilhin nila sa halagang P19 kada kilo ang mga produktong palay ngunit maaaring mas mababa depende sa moisture content ng palay.
Ayon pa sa tagapamahala ng NFA sa probinsya, sa buwan ng Oktubre lamang ay nabigyan sila ng target na 70,000 sako ng palay ngunit kung mas marami pang magde-deliver ay bibilhin din ang mga ito.
Ani Palada, niluwangan na ng NFA ang patakaran ng kanilang pagbibigay ng passbook sa mga magsasaka. Basta nakalista ang mga ito sa Department of Agriculture- Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) sa mga munisipyo ay maaari na silang magbenta ng palay sa NFA.
“Ang RSBSA na po ang basehan namin ng farmer’s passbook, kailangan po ang passbook para sa aming monitoring para malaman nating ang pumapasok na palay sa NFA ay galing sa mga lehitimong magsasaka kasi maraming kritiko ang nagsasabing bumubili kami ng mga palay ng traders, kung kaya’t nagpatulong kami DA para makuha ang listahan ng mga magsasakang nakarehistro sa kanila,” ani Palada.
Nanawagan din si Palada sa mga opisyal ng barangay na kung magbibigay sila o pipirma sila sa farmer’s information sheets ay tiyakin nilang talagang magsasaka ang binigbigayan nila dahil hindi tagaroon sa mismong lugar ang ang mga warehouse supervisor.
“Hindi naman po natin masisisi ang ibang maluluwang ang saka o mga trader na talagang nagpapalusot sila para lang maipasok ang kanilang mga palay para sa mas mataas na presyo,” ayon pa sa manager.
Ang bawat magsasaka ayon kay Palada ay maaaring makapagbenta hanggang 300 sako ng palay sa NFA.
“Sa mga nais magbenta, magtungo lamang po kayo aming opisina para maiskedyul natin. Kung kinakailangan po na mag-mobile procurement kami ay gagawin po namin, pero sa ngayon ay nagsisimula pa lang ang anihan natin, kayang-kaya pa naman ng mga magsasaka na magdeliver sa ating mga bodega,” ayon pa kay Palada.
Nakiusap din si Palada sa mga magsasaka na kung mayroon silang problema tungkol sa operasyon ng NFA ay huwag silang mag-atubiling ipaalam sa opisina para maaksiyunan kaagad. (TCB)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments