Tagalog News: Bulacan, bibili ng Mobile Soils Laboratory

LUNGSOD NG MALOLOS, Oktubre 3 (PIA) -- Gagamitin ng pamahalaang panlalawigan ng Bulacan ang bahagi ng apat na milyong pisong premyo nito mula sa Rice Achievers Award 2019 para makabili ng Mobile Soils Laboratory.
 
Ayon kay Provincial Agriculturist Gloria Carillo, lilibot ito sa mga bukirin upang patuloy na agapayan ang may 35 libong magsasaka ng Palay na masuri ang kalidad ng lupa na kanilang tinataniman.
 
Kabilang sa kapabilidad ng bibilhing Mobile Soils Laboratory ang soil sampling-collection on site, soil analysis at fertilizer recommendation.
 
Layunin nito na matiyak ang patuloy na pagiging mataba ng kalidad ng lupa at may sapat na sustansya sa paghahandang muli itong mapataniman ng Palay.
 
Nasungkit ng Bulacan sa ika-anim na pagkakataon ang Rice Achievers Award ng Department of Agriculture o DA.
 
Simula noong 2016, nakapagtala ang probinsya ng tuluy-tuloy na pag-angat sa ani ng Palay.
 
Mula sa 360,237 metro tonelada noong 2016; naging 378,088 metro tonelada noong 2017; 365,689 metro tonelada noong 2018 at 368,658 metro tonelada noong 2019.
 
Bukod sa katatagan sa ani, kinilala rin ng DA ang mga inisyatibo ng pamahalaang panlalawigan sa pag-agapay sa mga magsasaka na mapataas ang kalidad ng kanilang Palay.
 
Kabilang diyan ang regular na Usapang Palay Caravan kung saan sumasadya ang mga rice technician sa mga kanayunan at kabukiran upang patuloy na maturuan ang mga magsasaka ng mga makabagong teknolohiya.
 
Binigyang diin pa ni Carillo na malaking tulong din ang sabsidiya ng DA sa pataba at binhi gayundin ang mga ipinagkaloob na karagdagang makabagong makinarya sa tulong ng Rice Competitiveness Enhancement Fund. (CLJD/SFV-PIA 3)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments