LUNGSOD NG CABANATUAN, Oktubre 3 (PIA) -- Nasa 2.2 bilyong piso ang ilalaan ng pamahalaang panlalawigan ng Nueva Ecija para sa pagpapatuloy ng Palay Support Program.
Ipinahayag ni Governor Aurelio Umali sa kamakailang virtual meeting ng mga lokal na konseho sa lalawigan ang layunin ng programang umagapay sa mga nagsasaka ng palay sa Nueva Ecija.
Aniya, ang 1.8 bilyong piso na mula sa nasabing pondo ang ilalaan ng tanggapan para sa patuloy na pamimili ng palay sa mga nasasakupang magsasaka.
Ibinalita din ni Umali na tinanggal na ang mga restrictions sa pagbili ng palay ng pamahalaang panlalawigan na dati ay bumibili lamang sa mga nagsasaka ng isa hanggang tatlong hektarya bukirin.
Kaya kahit sinong magsasaka o mga kooperatiba sa lalawigan ay maaari nang magbenta ng fresh palay sa kapitolyo sa halagang 14 hanggang 14.50 piso depende sa moisture content ng aning palay.
Mas mataas ito kumpara sa umiiral na presyo sa iba’t ibang lugar na 11 hanggang 12 piso lamang.
Paglilinaw ng gobernador, itinatag ang Provincial Food Council hindi para kumita ngunit hindi din para malugi ang kapitolyo dahil kailangang magtuloy-tuloy ang pagbili ng palay bilang tulong sa mga kababayang magsasaka.
Kaugnay nito ay ang hangarin ng pamahalaang panlalawigang magtuloy-tuloy ang pagbili ng palay kahit pa dumating ang panahong tulad ng eleksyon na maraming aktibidad ang ipinagbabawal.
Kung kaya’t habang malayo pa ang 2022 local elections ay hihiling na ang kapitolyo kasama ang Provincial Food Council sa Commission on Elections na ma-exempt ang tanggapan sa pagbili ng palay sa panahon ng halalan.
Paliwanag ni Umali, dalawang beses lamang bumibili ng palay ang kapitolyo, tuwing dry at wet season na kung matitigil ay makakaapekto sa pagtulong sa mga magsasaka.
Sa kasalukuyan lamang aniya ay hirap nang makipagtunggali ang mga lokal na magsasaka sa dumadating na imported na bigas galing Vietnam, Thailand, Pakistan at iba pang bansa.
Kung mapuputol ang mga programa para sa pagsasaka ay maaaring mawala ang patatanim ng palay sa bansa partikular sa Nueva Ecija na tinaguriang “Rice Granary of the Philippines.”
Isa pa sa mga suliranin ng mga magsasaka sa Nueva Ecija ay ang mahirap na pagpapatuyo ng palay na layong matugunan ng itinatayong rice mill ng kapitolyo.
Ayon sa punong lalawigan, ang proyketong matatagpuan sa bayan ng Guimba ay nagkakahalaga ng 450-milyong piso na mayroon ding dryer at warehouse o imbakan ng palay at bigas na inaasahang mapakikinabangan sa susunod na taon. (CLJD/CCN-PIA 3)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments