Tagalog News: ‘Diskwento Caravan’ ng DTI-OrMin, isinagawa sa Pola

Hatid ng DTI-OrMin at Puregold Calapan ang murang grocery items sa isinagawang Diskwento Caravan cum Negosyo Serbisyo sa Barangay sa bayan ng Pola noong Oktubre 17. 

POLA, Oriental Mindoro, Okt. 20 (PIA) -- Bilang bahagi ng selebrasyon ng “Consumer Welfare Month’ ng Department of Trade and Industry (DTI), isinagawa ng DTI - Oriental Mindoro katuwang ang Puregold Calapan at ng pamahalaang bayan ng Pola ang paghahatid ng ‘Diskwento Caravan cum Negosyo Serbisyo sa Barangay’ para sa mga residente ng 23 barangay ng bayang ito.

Isinagawa ang nasabing aktibidad sa Pola Municipal Plaza noong Oktubre 17.

Punamunuan ni DTI Prov’l Dir. Arnel Hutalla ang pagbibigay ng oportunidad sa mga Poleño na makapamili ng mga grocery items tulad ng de-lata, gamit panlaba, pagkain, inumin, gayundin ang ‘buy 1 take 1’ na electric fan at marami pang iba na mabibili na may 10 hanggang 50 porsiyentong bawas presyo.

Ayon sa direktor, “nakita namin ang kasabikan ng mga tao dahil ito pa lamang ang kauna-unahan naming pagpunta dito sa bayan para sa Diskwento Caravan at matapos makapamili ay marami ang humiling na sana ay maulit ang ganitong aktibidad.”

Samanatala, dumalo din ang Executive Assistant na kumatawan kay Mayor Jennifer Cruz na si Dindo Melaya upang saksihan ang nasabing aktibidad. Agad ipinaabot ni Hutalla ang kahilingan ng mga mamimili nang kanila itong mapaghandaan.

Agad na tumugon ang Pola LGU at ang DTI na dahil sa mainit na pagtanggap ng mga Poleño, ito ay mauulit bago sumapit ang araw ng kapaskuhan ngayong taon. Naitala ng DTI sa pagtatapos ng araw na gawain ay nasa 235 na mamimili ang nakinabang sa nasabing diskwento caravan. (DPCN/PIA-OrMin)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments