Tagalog News: Fiberglass patrol boat ipinagkaloob sa Taal Lake Bantay Lawa

LUNGSOD NG BATANGAS, Okt 28 (PIA) --Isang patrol boat ang ipinagkaloob ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa samahan ng mga mangingisda sa Lawa ng Taal, na kabalikat ng pamahalaan sa pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan dito, noong ika -22 ng Oktubre 2020.

Isinagawa sa Brgy. Banyaga, Bayan ng Agoncillo ang turn-over ng fiberglass-made motor banca sa pangunguna ng Office of the Provincial Agriculturist (OPA) sa mga kinatawan ng Taal Lake Bantay Lawa, ang organisasyong binubuo ng mga volunteers at deputado ng Protected Area Management Board ng Taal Lake Protected Landscape upang pangalagaan ang nasabing lawa.

Sa pahayag ni Ibarra Panganiban, chairperson ng Bantay Lawa, nagpasalamat ito kay Gov. DoDo Mandanas at sa pamahalaang panlalawigan dahil, aniya, malaking tulong ang banka na magagamit ng kanilang grupo sa mga pagpapatrolya, pag-aalis ng mga iligal na istraktura at iba pang mga aktibidad sa Taal Lake.

Binigyang-diin naman ni Provincial Agriculturist, Engr. Pablito Balantac, na ang ginanap na paggagawad ng patrol boat ay bahagi ng kanilang distribution ng mga bankang de motor na isa sa mga prayoridad ng Mandanas administration, katuwang ang Sangguniang Panlalawigan ng Batangas.

Noong buwan ng Enero, dalawang patrol boat ang natanggap ng samahan ng Bantay Dagat sa Bayan ng Calaca, samantalang kasalukuyang tinatapos na rin ang isa pang patrol boat na nakatakda namang ipagkaloob sa Kilusan ng mga Maliliit na Mangingisda sa Lawa ng Taal o KMMLT.

Kasama rin ng OPA sa aktibidad ang mga kawani mula sa Provincial General Services Office at Tanggapan ng Agrikultura ng Pamahalaang Bayan ng Agoncillo. (PIA Batangas/Jun Magnaye – Batangas Capitol PIO)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments