Tagalog News: Info campaign sa mga programa ng pamahalaan pinalalakas ng SKMF-Midsayap

MIDSAYAP, Lalawigan ng Cotabato, Okt. 29 (PIA)-- Pinalalakas ng Sangguniang Kabataan Municipal Federation dito sa bayan ang pagsuporta sa mga programa ng pamahalaan sa pamamagitan ng information campaign.

Nitong nakalipas na buwan, umere ang Kabataan Kaya Natin ‘To, isang radio program na sumusuporta sa mga programa ng pamahalaan partikular sa aspeto ng Sangguniang Kabataan at maging sa Disiplina Muna National Campaign. Ang programang ito sa radio ay inisyatibo ng SKMF-Midsayap sa pakikipagtulungan ng DXJR Power Radio 94.3 FM.

Ito ay ini-ere tuwing alas nwebe hanggang alas dyes ng umaga kada Linggo sa pamamagitan nina SKMF Midsayap president Mark Avance at Local Youth Development Officer-Designate Roderick Bautista.

Ang talk and information advocacy program ay may tatlong program segments. Ito ay kinabibilangan ng Usapang Kabataan na tumatalakay sa mga topikong nakaangkla sa Sangguniang Kabataan Operations Manual Series of 2017 o ang pagkilala sa papel ng kabataan sa nation building, Kabataan in Action kung saan nakapapanayam ang mga SK chairperson sa iba-ibang barangay ng bayan maging ang iba pang mga batang lider ng komunidad, at ang Kabataan para sa Bayan kung saan pinag-uusapan ang mga topikong nakatuon sa mga asal na mahalaga upang positibong mabago ang lipunan.

Maliban sa tatlong program segments, binibigyang-daan din sa programa ang pagpaparating sa publiko ng mahahalagang impormasyon tulad ng mga adbokasiya ng kabataan kontra coronavirus disease 2019 at marami pang iba.

Samantala, sinabi ni Avance na ang pag-ere ng Kabatan Kaya Natin ‘To radio program ay bilang tugon din sa panawagan ni Communications Secretary Martin Andanar na labanan ang fake news. Si Avance ay naging panauhin sa Network Briefing program ng kalihim kamakailan. (PIA Cotabato Province)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments