LUNGSOD NG COTABATO, Okt. 25 (PIA) – Namahagi noong Miyerkules ang Ministry of Agriculture, Fisheries, and Agrarian Reform ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MAFAR-BARMM) ng 32 makinaryang pansakahan sa Maguindanao.
Kabilang sa ipinamahaging makinarya ay tatlong units ng corn sheller, isang farm tractor, dalawang vacuum pack sealers, isang generator, isang hand tractor, isang floating tiller, dalawang threshers, isang rice combine harvester, dalawang units ng rice mill, at 18 units ng open-source pump irrigation system.
Ang nabanggit na mga makinarya ay may kabuuang halaga na P9,588,460.
Pinangunahan ni MAFAR-BARMM Minister Dr. Mohammad Yacob ang ginanap na pagturn-over ng mga makinarya kung saan kanya ring nilagdaan ang memorandum of agreement kasama ang 36 na agricultural at business cooperatives, farmers associations, at mga benepisyaryo ng Agrarian Reform mula sa probinsya.
Sinabi ni Yacob na ang mga ipinamahaging makinaryang pansakahan ay naglalayong mapataas ang kita at gawing mas produktibo ang mga magsasaka upang sa gayon ay matiyak ang kasapatan sa pagkain at mabawasan ang kahirapan sa rehiyon.
Dagdag pa niya, sa mga darating na linggo ay mamamahagi din ang ministry ng mga makinaryang pansakahan sa iba pang probinsiya ng BARMM. (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from BPI-BARMM).
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments