Tagalog News: Malawakang pagbabakuna kontra polio, tigdas sa Palawan, kasado na

PUERTO PRINCESA, Palawan, Okt. 12 (PIA) –- Magsasagawa ang Department of Health (DOH) – Mimaropa ng malawakang pagbabakuna mula Octubre 26 hanggang Nobyembre 25 upang maprotektahan ang mamamayan lalo na ang mga kabataan laban sa sakit na tigdas at polio sa lalawigan ng Palawan.

Sa virtual ‘Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA)’, sinabi ni Dr. Mathew Medrano, hepe ng Family Health Cluster ng DOH-Mimaropa, na ang supplemental immunization sa measles rubella at oral polio vaccine (OPV) ay sabayang isasagawa sa buong rehiyon.

Layon ng kampanya na mapigilan ang posibleng pagkakaroon ng outbreak ng tigdas, maging ng polio lalo na sa kasalukuyang panahong may pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) kung kaya hangad ng DOH na maabot ang 95 porsiyento ng populasyon na mabakunahan.

“Nagkaroon ng pagbabakuna noong nakalipas na taon, subalit kinakailangan parin ng supplemental vaccines ngayong taon dahil hanggang Octubre 4, mayroon nang naitatalang 272 sa buong rehiyon, kung saan 160 dito ay naitatala sa Palawan at Puerto Princesa. Kung hindi makapagbibigay ng supplemental vaccine may posibilidad ng 'outbreak' sa taong 2021,” ani Medrano.

Samantala, tiniyak ni Medrano na maipatutupad ng husto ang pangkalusugang panuntunan sa mga araw ng pagbabakuna upang makaiwas sa posibleng paghahawa-hawa ng sakit lalo na ngayong may pandemya.

Aniya, nakahanda na ang mga tauhan ng Rural Health Unit (RHU) sa bawat munisipyo sa Palawan, kung saan maglalagay ang mga ito ng isang lugar upang doon isagawa ang pagbabakuna. (LBD/PIAMIMAROPA)  

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments