LUNGSOD NG LUCENA, Quezon, Okt 22 (PIA)- Inihayag ni Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer Melchor Avenilla na awtomatikong makakatanggap ng tulong na food packs o relief goods at iba pang tulong mula sa pamahalaang panlalawigan ang mga pamilya sa iba't-ibang bayan Quezon na apektado ng pagbaha dulot ng bagyong "Pepito."
Sa panayam kay Avenilla, kasalukuyang inaalam pa ng kanilang tanggapan kung ano pa ang maitutulong ng pamahalaang panlalawigan sa mga pamilyang apektado ng pagbaha.
Aniya, ito ay maisasagawa sa tulong ng mga municipal disaster risk reduction and management office at maging ng lokal na tanggapan ng DSWD o municipal social welfare and development office upang maibigay ng pamahalaang panlalawigan ang mga kinakailangang tulong.
"Nagpadala na rin kami ng mga tao sa bayan ng Lopez na naapektuhan din ng pagbaha upang mailigtas ang mga lokal na residente", sabi pa ni Avenilla
Bukod sa bayan ng Lopez, ang iba pang bayan na naapektuhan ng pagbaha dulot ng malalakas na pag-ulan ay ang Barangay Butaguin sa Gumaca, na nagkaroon ng pagbaha matapos umapaw ang spillway sa nasabing barangay; Barangay Gomez sa Lopez kung saan pinasok ng tubig-baha ang ilang mga kabahayan dito.
Samantala, bumagsak naman ang isang bahay sa barangay San Miguel Dao sa Lopez dahilan sa paglambot ng lupa dulot ng patuloy na pagbuhos ng ulan.
Nakaranas din ng pagbaha ang mga barangay sa Catanauan kagaya ng Barangay 10 sa Poblacion, Kawayanin, Suha, Pacabit, Anyao , Tagbakan, Bolo, Dahican at barangay Madulao.
Magkakatuwang na nagsagawa naman ng rescue at evacuation operation ang BFP Catanauan, PDRRMO Catanauan at PNP Catanauan sa nasabing mga lugar.
Lagpas-tao naman ang baha sa barangay Gomez sa Lopez kung saan pinasok din ng tubig-baha ang ilang kabahayan dito.
Kaugnay nito, nanawagan si Avenilla sa mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha na gawing tuloy-tuloy ang paghahanda sa anumang kalamidad kasama na ang "La Nina".
"Maghanda rin po tayo ng mga emergency kits sa ating mga bahay na kakailanganin sa oras ng kalamidad", sabi pa ni Avenilla (Ruel Orinday, PIA-Quezon)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments