Tagalog News: Monitoring sa mga produktong sub-standard, isinagawa ng DTI-OrMin

Bawat taon isinasagawa ng DTI-OrMin ang pag wasak sa mga sub-standard na produkto na walang mga PS o ICC sticker na ibinebenta sa mga malalaking merkado upang ito'y hindi na maibenta at hindi na malagay sa peligro ang mga mamimili. (kuha ni Dennis Nebrejo/PIA-OrMin)

LUNGSOD NG CALAPAN, Oriental Mindoro, Okt. 15 (PIA) -- Hindi naging hadlang ang paparating na bagyong 'Ofel' upang isagawa ng Department of Trade and Industry (DTI) Oriental Mindoro ang pagiinspeksiyon sa apat na malaking establisyimento at pagwasak sa mga produktong sub-standard noong Oktubre 14 sa lungsod na ito.

Pinamunuan ni DTI-OrMin Provincial Dir. Arnel Hutalla ang paginspeksiyon sa mga establisyimento kasama ang mga kinatawan ng Provincial Enforcement Monitoring Team upang masiguro na ang mga produktong nasa merkado ay hindi magbibigay ng peligro sa mga mamimili lalo ngayong napapalapit ang panahon ng kapaskuhan.

Ayon kay Hutalla, "isinasagawa namin ang regular monthly monitoring para masiguro sa mga mamimili na ligtas ang mga binibili nilang produkto tulad ng mga electrical at electronic devices, mechanical at building supplies, household appliances at mga produktong kemikal na dapat may mga tatak itong PS o ICC stickers."

Sa apat na tindahan na kanilang ininspeksyon ay wala naman anya silang nakitang lumabag sa batas.

Samantala, matapos ang paginspeksiyon ay agad na nagtungo sa Batino landfill station ang grupo upang sirain sa pamamagitan ng isang traktora ang mga produktong walang mga quality safety stickers na nakumpiska sa mga bayan ng Roxas, Pinamalayan at Calapan sa huling kwarto ng 2019 at unang kwarto ng 2020.

Umabot sa 1,450 piraso na mga nakumpiskang sub-standard products na karamihan ay mga plantsa, interior ng gulong, break fluid, bumbilyang LED at mga upuang monoblock na nagkakahalaga ng P176,755.75 ang winasak ng naghihintay na traktora sa nasabing lugar.

Mensahe ni Hutalla sa mga mamimili "Maging mapanuri. Huwag tumingin sa halaga ng produkto kundi sa kalidad nito at dapat siguraduhing mayroon itong PS mark o ICC sticker para masiguro na ligtas ang bibilhing gamit."

"Sa mga may-ari naman ng mga tindahan, maging mapanuri din sa mga produktong ibinababa ng mga supplier sa inyong tindahan at huwag agad ilagay sa mga istante. Kailangan din tignan ang mga kaukulang dokumento at kung pumasa ba ang mga ito sa mga pagsusuri. Higit sa lahat kung may mga PS mark o ICC stickers na nakadikit dito," pagtatapos ng direktor. (DN/PIA-OrMin)



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments