PUERTO PRINCESA, Palawan, Okt. 30 (PIA) --- Naglunsad kahapon ang Puerto Princesa Inter-Agency Task Force against Coronavirus Disease 2019 (IATF) ng pagtatalaga ng mga COVID-19 marshals na idinaos sa City Coliseum.
Ang mga marshals ay ipapakalat sa iba't ibang bahagi ng lungsod upang magbantay at magtiyak na nasusunod ng mga mamamayan ang ipinatutupad na panuntunang pangkalusugan sa mga pampublikong lugar, maging sa mga establisyementong pang negosyo, mall at iba pang lugar na dinarayo ng karamihan.
Sa press conference, sinabi ni Mayor Lucilo Bayron na nasa 1,400 COVID-19 marshals ang i-dedeploy simula kahapon sa mga ubran barangay ng siyudad upang simulan ang kanilang tungkulin.
Bago ang pagtatalaga sa kanila, isinagawa muna ang panunumpa sa tungkulin ng mga ito na pinangasiwaan ni Atty. Arnel Pedrosa, administrador ng pamahalaang lungsod.
Nilinaw ni Bayron na boluntaryo ang magiging trabaho ng mga ito, kung kaya walang sahod o insentibo man lang na matatanggap.
“Boluntaryo ang gagampanan nilang tungkulin, kung kaya bago natin tinatanggap ang mga nagpapalista para maging COVID-19 marshals, hinihingi muna natin ang kanilang dedikasyon at 'willingness' na mag-sakripisyo, dahil hindi biro ang kanilang magiging trabaho,” pahayag ni Bayron.
Nagpapatuloy naman aniya sa ngayon ang pagsasailalim sa pagsasanay sa mga interesado at boluntaryong magsisilbing COVID-19 marshals sa mga rural barangay.
Ayon kay Dr. Dean Palanca, pinuno ng Incident Management Team (IMT) ng lungsod, layon ng paglikha ng COVID-19 marshals ay upang maiwasan na muling magkaroon ng paghahawa-hawa ng sakit sa lungsod.
Samantala, sinabi naman ni Vice Mayor Maria Nancy Socrates na plano nilang isulong sa Sangguniang Panlungsod na maging ordinansa ang pagkakaroon ng COVID-19 marshals upang ma-pondohan ang pasuweldo o insentibo sa mga ito. (LBD/PIAMIMAROPA)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments