Tagalog News: Pagwawakas sa child marriage isinusulong ng Bangsamoro Women Commission

LUNGSOD NG COTABATO Okt. 25 (PIA) – Pinalalakas pa ng Bangsamoro Women Commission (BWC) ang pagsusulong sa pagwawakas ng child marriage sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Kaugnay nito, isinagawa kamakailan ng BWC ang diskurso patungkol sa ‘Ending Child Marriage’ sa BARMM sa pamamagitan ng zoom.

Pitong mga batang ina mula sa Maguindanao at Lanao del Sur ang lumahok sa nasabing usapin bilang bahagi ng paggunita ng International Day of the Girl.

Ayon kay BWC chairperson at Member of Parliament (MP) Bainon Karon, layunin ng nasabing aktibidad na maisulong ang kapakanan ng mga batang babae sa rehiyon.

Layon din nitong palakasin ang pakikilahok ng kabataang babae sa mga proseso ng paggawa ng desisyon, lalo na sa paggawa ng mga polisiya na tutugon sa isyu ng child marriage sa BARMM.

Dagdag pa ni Karon, ang adbokasiya sa ending child marriage sa rehiyon ay nakalagay sa draft gender and development (GAD) code ng BARMM na nasa huling yugto na ng pagpasa.

Ang BWC ay nakatuon sa pagtataguyod at proteksyon ng karapatang pantao ng mga kababaihan sa rehiyon, kabilang dito ang mga isyu patungkol sa child early and forced marriage. 

Samantala, sinabi ni BARMM Executive Secretary Abdulraof Macacua na pinagtitibay ng pamahalaan ng BARMM ang pangako nitong itataguyod ang kapakanan ng mga batang babae at sisiguraduhing sila ay protektado sa lahat ng panahon, lalo na ngayong panahon ng pandemya.  (LTBolongon-PIA Cotabato City/With reports from BPI-BARMM).

 

 



Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

Post a Comment

0 Comments