LUNGSOD NG LAOAG, Nob. 14 (PIA) – Tumungo na sa probinsiya ng Cagayan ang augmentation team ng Philippine Coast Guard (PCG)-Ilocos Norte upang tumulong sa pagligtas sa mga indibidwal dahil sa matinding pagbaha sa lugar na dulot ng Bagyong Ulysses nitong linggo.
Sa isang online post ni Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary Goddess Hope Libiran, nabanggit niya ang karagdagang tulong ng PCG ng Ilocos Norte para sa patuloy na search and rescue operations sa Cagayan.
“Dala ng nasabing team ang karagdagang trucks, rubber boats, at mga tauhang bihasa sa search and rescue operations upang makatulong sa mga kawani ng Coast Guard at iba pang rescue groups na walang humpay ang trabaho simula kahapon ng madaling araw,” kwento ni DOTr Assistant Secretary Libiran sa kaniyang Facebook account.
Dahil sa matinding ulan at hangin na dala ng bagyo, ilang mga residente sa Cagayan ay lubog sa tubig-baha, partikular sa mga residenteng naniniharan sa mababang lugar.
Malapit lamang ang probinsiya ng Ilocos Norte sa Cagayan kaya naman nagpadala ng ilang response groups ang PCG sa apektadong probinsiya.
“Yung Coast Guard po natin sa Ilocos Norte, hindi lamang dito sa province ang sineserve niya pero flexibility-wise, kailangan din natin tumulong sa mga kasamahan na Coast Guard na humihingi ng tulong. Yung Cagayan, may Coast Guard sila pero nakita naman natin yung sitwasyon doon na grabe ang nangyari kaya nag-decide po ang aming District Commander na tumulong na po kami,” ani Commander Laurel Paul Mariano Jr. ng PCG-Ilocos Norte.
Dagdag ni Mariano, tatlong deployable response groups na may walo hanggang siyam na miyembro nito ang kasama sa rescue operations, kasama na rin dito ang mga assets na kanilang gamitin gaya ng tatlong sasakyan, aluminum boats, rubber boats, at gasolina.
Dahil sa natamong pinsala at marami pang mga residente ang tumatawag ng tulong upang mailigtas, walang kasiguraduhan kung hanggang kailan mananatili ang mga PCG sa Cagayan ngunit sinigurado ni Mariano na walang humpay na tulong at serbisyo ang kanilang ibibigay. (JCR/AMB/MJTAB/PIA Ilocos Norte)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)

0 Comments