LUNGSOD CALOOCAN, Nob. 28 (PIA) -- Dinagsa ng mga sasakyan kanina ang Lungsod San Juan para sa pagpapakabit ng libreng Easytrip RFID, sa ulat ng Radyo Pilipinas 738kHz.
First come, first served ang sistema dito kung saan 1,000 na sasakyan ang target na makabitan ng RFID sticker.
Ito ay sa pakikipag-ugnayan sa Department of Transportation (DOTr) bilang bahagi ng kampanya sa pagpapatupad ng cashless at contactless transactions sa toll expressways.
Libre ito para sa mga residente ng San Juan basta’t magbabayad lang ng initial load na P200.
Kinakailangan lamang na may dala ang mga ito ng driver’s license, OR/CR ng sasakyan, sariling ballpen, at katibayan ng pagiging residente ng San Juan.
Sa haba ng pila, inabisuhan ang mga motoristang nagpapakabit na ang entrance ng kanilang mga sasakyan ay sa kalye ng Museo ng Katipunan habang ang exit naman ay sa Driveway ng City Hall.
Dalawang pila lamang din ang pinayagan, isa sa may Santolan hanggang kalye ng Museo ng Katipunan at isa pang pila mula sa kanto ng N. Domingo hanggang sa tapat ng Pinaglabanan Shrine.
Nag-abiso rin ang lokal na pamahalaan kanina at pinaiwasan sa mga motoristang may ibang lakad ang bahagi ng Pinaglabanan Shrine dahil sa mabigat na daloy ng mga sasakyan sa bahaging iyon. (PIA NCR)
Source: Philippines Information Agency (pia.gov.ph)
0 Comments